Warning ni Mocha sa mga Pinoy: Mag-ingat kayo sa mga oportunistang politiko!
BINALAAN ng sexy singer-blogger at kilalang Duterte supporter na si Mocha Uson ang madlang pipol laban sa mga politikong kontra sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Mocha maraming politiko ang mananamantala sa isyu para makapag-ingay lang, lalo na ngayong mainit pa ring pinagtatalunan ang palihim na paglilibing sa dating diktador. Bukod sa mga politicians ay marami ring artista na anti-Marcos ang nagalit at apektado sa tinaguriang “hidden burial”.
Dahil dito, nag-trending agad ang hashtag #MarcosIsNotAHero sa social media.
At tulad ng inaasahan, nagbigay na naman ng kanyang pananaw si Mocha tungkol kay Marcos. Sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ng singer na hindi lahat ng supporter ni Digong ay pro-Marcos.
“Sino po ba kasi ang nagsabi na hero siya? Ang alam ko po, i-nilibing siya dun sa Libingan ng mga Bayani dahil, ayon sa batas, siya ay naging sundalo. Sino ba ‘tong nagpapaingay na hero si Marcos?” sey ng kontrobersyal na blogger.
“May kanya-kanya pa rin pong opinyon ang mga pro-Duterte. May mga pro-Duterte na hindi naman sang-ayon sa opin-yon ko.
“Ang puno’t dulo lang naman po nito ay sino ba ang nagsasabing hero si Marcos?” aniya pa.
Pagpapatuloy pa ni Mocha, “Ang problema kasi, may mga senador diyan na pinu-provoke yung mga tao, tulad ni Sen. Kiko Pangilinan.” Isa kasi ang senador na very vocal sa kanyang pagkaimbiyerna sa pagpayag ni Duterte na maihimlay si Marcos sa LNMB.
Ngunit nang matanong si Mocha kung pabor ba siya sa “hidden burial” kay Marcos, “Hindi ko po masasagot ‘yan. Ang masasabi ko po, nakikiramay ako sa mga naging biktima po ng martial law at may mga kaibigan po ako na mga militante.”
Sinabi pa ni Mocha na karapatan ng bawat Pinoy na magreklamo at mag-rally kung kinakailangan, “Kalayaan po natin na magprotesta sa kalsada. Kaya lang po, mag-ingat lang po tayo dun sa mga nakikisawsaw sa mga rally na ‘to.
“Yung ginagamit ang pagkakataon na ito yung oportunista na mga pulitiko para isulong ang sarili nilang interes,” sey pa ng singer.
Binigyan pa ng warning ni Mocha ang madlang pipol na mag-ingat sa mga sawsawerong politiko, “Mag-ingat lang po tayo na gamitin ito na pagkakataon, dahil yung mga nakikita po natin diyan, karamihan diyan ay parehong grupo who called for the ouster of Duterte.
“At huwag nilang gagawin yun dahil lalaban din po ang mga naniniwala kay Pangulong Duterte,” pagtatapos ni Mocha.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.