ANG nagbubulag-bulagan ay tuluyang nabubulag at habambuhay na nagiging alipin ng karimlan. Ang ayaw sa liwanag ni Jesus ay masasadlak. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Pag 1:14; 2:1-5; Slm 1; Lc 18:35-43) sa ika-33 linggo ng taon.
May lolang bulag sa pag-ibig, bulag sa moralidad. Ang pangulo ay bulag sa EJK, kaya ang mali ay iginigiit na tama. Nakabubulag din ang trapik, kaya’t nasadlak na sa kawalan. At hanggang ngayon, ang taumbayan ay inaakay na bulag dahil wala pang maliit na tanglaw para makita ang ninakaw na pera sa kaban.
Eva de Lima (Gloria de Lima noong una), magandang pangalan, kathang-isip (pero nauna sila sa babaeng kumanta ng, “O tuksooo, layuan mo akooo”). Si Eva ay natukso ng mapanlinlang na demonyo (si Ronnie ba ang natukso?), sa kabila ng bilin ng Diyos Ama sa Paraiso. Mahina si D5 sa tukso (inamin), ang mapagkunwaring nagdadasal.
Simula nang na-scoop ng Bandera ang balitang buntis na si Kris sa may sabit, sinubaybayan ko na siya bilang makasalanan mula sa umano’y pamilyang banal, dahil yan ang buod ng tabloid. Hanggang sa inihayag ng national artist na si F. Sionil Jose na “She (Kris) cannot act, she cannot sing, she cannot dance.” Walang talent. Hanggang sa siya’y hindi sinipot ni Digong sa bonggang panayam. Tsk-tsk-tsk.
Laos na si Kris. Binitiwan na ng dalawang network (laos na rin ang apelyidong Aquino). Duterte (hindi Romualdez at Marcos) ang apelyidong dumurog sa huling hirit ng popularidad ni Kris. Walang medical bulletin na inilabas kung bakit biglang sumakit ang ulo ni Digong sa nakatakdang panayam kay Kris. Kapag ayaw kang kausapin ni Digong, di ka niya haharapin (taon 1992, Davao City).
Inaapi na naman ang mga naka-motor. Hindi na tumaas ang tingin sa kanila ng gobyerno sa kabila ng magigiting na mga naka-motor, Education Secretary Onofre Corpuz (na isinasampa ang kanyang motor sa bangketa ng Quezon bridge kapag trapik sa Quiapo at Lawton), Gregorio Honasan, Reynaldo Berroya, Benhur Abalos, Ralph Lee, Rodrigo Duterte, atbp. Ang multa ay P500. Kahit na pulis na naka-motor ay di kaya ang P500. Oks lang; mas mura pa ang bala.
Insulto sa rider ang MC lane kung may kotse sa loob nito at itataboy ang naka-motor. Unang inilatag ang MC lane sa Commonwealth, at mga riders lang ang laman nito. Hanggang sa itinaboy ng mga kotse ang MCs, at bubusinahan pa ng malakas kapag sisingit sa kanilang linya. Bakit ang abusadong MMDA riders (nangongotong pa) ay di dinidisiplina? Orbos, tao ka ba?
Ipininid na ang malalaking Pinto ng Awa ng mga simbahang Katolika dahil sa maagang pagtatapos ng Jubilee Year of Mercy. Dahil sa magkakaiba ang pananaw ng mga diocese sa pagpatay sa mahihirap na sangkot sa droga, binatikos ang simbahan, na umano’y walang awa sa Taon ng Awa. Ayaw lamang makisawsaw ng simbahan sa temang politika ng kampanya kontra droga. Noong Nob. 2, lahat ng napatay sa droga ay buong araw na ipinagdasal ng mga pari’t layko at ang Diyos na ang bahala sa muling pagkikita sa araw ng paghuhukom.
Di na pinapansin ang mga pinapatay sa droga sa North Caloocan at Southern Bulacan. Bukod sa laman na lang sila ng kapirasong balita sa dyaryo ay di na kahindik-hindik saan man ang tama nila sa ulo. Nagsawa na rin ang dyaryo sa kabibilang ng bangkay. Manhid na rin ang bansa, tulad ng Mexico.
PANALANGIN: Jesus, turuan mo akong maging mahinahon sa kawalang-pitagan ng iba, sa kawalan ng katapatan ng mga tao na pinagkatiwalaan ko at inasahan. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-5401958): Pasaway din naman ang ilang riders sa Metro Cebu. Pero subukan lang na pakialaman kami ng gobyerno. …3262
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.