Inaprubahan ng House committee on government enterprises ang panukalang dagdag na P2,000 sa pensyon sa mga miyembro ng Social Security System.
Ayon kay North Cotabato Rep. Jesus Sacdalan, chairman ng komite, nakausap nila ang mga opisyal ng Social Security System sa isang executive session kung saan nakahanap umano ng solusyon upang lumaki ang kita ng ahensya at hindi mabangkarote sa pagtataas ng pensyon.
Isa sa mga opsyon ang paglalagak nito ng pondo sa mga Public-Private Partnership projects.
Mahigit sa 2 milyong miyembro ang makikinabang sa pagtataas na ito.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, magiging P3,200 na ang pinakamababang pensyon na makukuha ng mga miyembro na naging miyembro ng hindi bababa sa 10 taon at P4,400 naman sa mga kinaltasan ng SSS ng 20 taon.
Sa kasalukuyan ay P1,200 at P2,400 lamang ang natatanggap na pensyon.
Ikinatuwa naman nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Batangas Rep. Raneo Abu at Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez ang pagpasa ng panukala na na-veto sa nakaraang administrasyon.
“It is feasible, necessary and urgent. The current pension benefit was not adjusted enough to meet the current cost of living standards. A major step towards sharing the inclusive growth to the elderly. I hope the Senate will also expedite the passage of the measure aimed at easing the plight of our SSS pensioners,” ani Abu.
Sinabi naman ni Romualdez na malaking tulong ang dagdag na pensyon sa mga nagretiro sa pribadong sektor.
“This would show ‘malasakit’ and extend economic relief to retired private workers who are in their sunset years,” ani Romualdez.
Iginiit naman ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na dapat pataasin ng SSS ang koleksyon nito. Mayroon umanong 33 milyong miyembro ng SSS pero 11 milyon lamang ang nakokolektahan nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending