Comedian na umaming nagdroga bantay-sarado ng mga katropa sa ‘Banana Sundae’ para di na umulit
SINA Jobert Austria at Badjie Mortiz ang nag-i-spoof kina Presidente Rodrigo Duterte at Senadora Leila de Lima sa gag show ng ABS-CBN na Banana Sundae.
Magdiriwang ng 8th year anniversary ang programa at bilang selebrasyon ay magkakaroon ito ng special show sa KIA Theater sa Nob. 17, Huwebes, 7 p.m. kasama ang buong cast.
At sa presscon ng Banana Sundae kamakalawa ng hapon, tinanong ang mga komedyanteng sina Jobert at Badjie kung hindi ba sila natatakot na baka masampolan sila sa panggagaya kina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. De Lima lalo na ngayong nagkakapikunan na ang dalawa.
Katwiran ni Badjie, “Hindi naman po, kasi komedyante naman kami, so hindi naman seryoso ‘yun. So far wala naman pong negative feedback, natatawa pa nga sila (manonood).”
“Hindi rin naman ako kinakabahan kasi comedy naman ‘yun. Pag pinatawag na ako sa Malakanyang, e, di titigil na ako,” saad naman ni Jobert.
Samantala, sa nakaraang birthday celebration ni Jobert sa Banana Sundae ay marami raw siyang pinasalamatang tao na nakatulong sa kanya sa lahat ng pinagdaanan niya sa buhay at kasama ang buong cast ng kanilang gag show na aniya’y hindi siya iniwan sa panahong dapang-dapa siya.
“Actually, hindi naman lihim sa mga tao na nag-drugs po ako, matagal na po akong huminto, actually, bago pa naging Presidente si Duterte huminto na ko, malinis na po ako ngayon.
“Nawalan ako ng trabaho noon, pero ngayon okay na ako at puwede akong maging ehemplo ng mga taong gumagamit na kaya palang magbago lalo’t suportado ako ng mga kaibigan ko.
“Nakatawid ako (pagiging drug addict). Kung alam ko nga lang, hindi na ako nagpa-rehab, dito (Banana Sundae) na lang ako nagpa-rehab, laking tulong po talaga nila sa akin,” kuwento ng komedyante.
Tinanong kung paano nasadlak sa pagdodroga si Jobert, “Katulad din po ako ng iba na walang-wala tapos kapag nagkaroon (pera) o nakariwasa na, minsan napapasama sa ibang barkada, kaya ngayon po, namimili na ako ng kaibigan.”
Sinegundahan naman nina John Prats, Pokwang at iba pang kasamahan ni Jobert sa show na sila-sila na raw ang kasama ng komedyante ngayon at hindi na nila ihinihiwalay sa grupo.
“If ever na hindi magkikita, panay ang check sa kanya kung nasaan siya kung okay siya at kung anong ginagawa niya. Tutok kami sa kanya ngayon,” ani John.
Kaya naman panay ang pasalamat ni Jobert sa mga taga-Banana Sundae dahil hindi siya binitawan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.