Osang pinahihirapan ng pekeng boobs: Kailangang tanggalin na yung silicon!
MAGIGING aktibo na muli sa showbiz si Rosanna Roces. Sa 2017 ay magkakaroon siya ng entry sa Cinemalaya bukod pa iyan sa gagawin niyang pelikula na ididirek ni Adolf Alix.
Kuwento ni Osang tungkol sa Cinemalaya entry niya next year, “Yung director ni Judy Ann Santos sa ‘Kusina’, siya rin ang magdidirek ng movie ko. Ipinadala na ‘yung script at gustung-gusto ko, actually noon pa.”
Ang pinagkakaabalahan daw ngayon ni Osang ay ang pagpunta sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas kung saan inililibot nila ang indie film niyang “Guro” na ipinalalabas sa mga eskwelahan.
“Marami nang napuntahan ‘yung movie kasi pang-estudyante talaga, different kinds of student na kailangan mong pagtiyagaang turuan,” kuwento ng aktres.
Taong 2013 pa ito natapos na idinirek ni Neal Tan at bukod kay Osang ay kasama rin dito sina Bembol Roco, Tessie Tomas, Ina Feleo, Lemuel Pelayo, Daria Ramirez, Kerbie Zamora at Anita Linda.
At dahil gusto nang karirin ni Osang ang pagbabalik-showbiz ay kailangan na niyang magpa-liposuction, balak na rin niyang ipatanggal ang silicon na ikinabit sa kanyang boobs 20 years ago noong papasikat siya bilang sexy star sa Seiko Films.
Kuwento ni Osang, “More than anything, kailangan matanggal na itong mammoplasty, ‘yung silicon kasi talagang pinapahirapan na ako, nagsiksik na lahat ng taba, tapos 20 years na rin which is dapat, 10 years papalitan na.
“So ‘yung 90cc na pagkaliit-liit lang dati, e, lumaki nang husto at nagko-cause na ng pain sa likod ko. Hindi kagandahan talaga ang magpalagay ng silicon. Kaya ‘yung mga nagbabalak magpalagay, i-enjoy n’yo na lang ‘yung pagka-natural n’yo. Hindi talaga healthy.
“Unang-una hinihingal ako lagi, ngayong tumigil na akong manigarilyo, dapat gumaan ang katawan ko, pero hindi pa rin, dumadagdag ako ng timbang, sa kanya (suso) napupunta lahat. Kaya kahit hindi ganu’n kalaki ang katawan ko, akala ng lahat, ang laki-laki ko,” paliwanag ng aktres.
Dagdag pa niya, “Si doc Edmund Syjueco, siya ang magtatanggal ng silicon, sa Boost Beauty City Aesthetic Clinic na pag-aari ng magkapatid na Tinnie at Bim Crame. Nu’ng kinontak nga nila ako, go ako kaagad kasi libre, e.”
Isa si Osang sa endorser ng Boost Beauty Clinic kasama si Margo Midwinter na dating FHM model at PBB 737 ex-housemate na parehong dumalo sa opening ng clinic sa 361 Bisita Street, Binakayan Kawit, Cavite.
q q q
Samantala, kumpirmado na ang kasal ni Osang sa kanyang lesbian partner na si Blessy Arias sa Dis. 10 sa Alexa Secret Garden, Antipolo City at ang maghahatid daw sa kanya sa altar ay si Butch Francisco na itinuturing niyang kuya.
At kaya raw si Butch ang maghahatid sa kanya sa altar, “Hindi na iba sa akin si Butch, nagulat nga ako, wala na palang Startalk nu’ng nag-guest ako kay Rhea Santos, one year na pala siyang walang trabaho.
“Si Ate Guy (Nora Aunor) ang ninang, naku, nauna ko pang sabihin dito (interview) kaysa puntahan ko siya. Nasabi na rin naman sa kanya kaya lang ‘yung personal na ako dapat ang magsasabi,” sey ni Osang.
Ang tawag daw sa kasal nina Rosanna at Blessy ay, “Holy Union rites, ang magkakasal sa amin si Reverend Ascencio (Ceejay) Agbayani ng LGBT (Lesbian Gays Bisexual and Transgender) church.
“Sabi niya (Rev. Ceejay), may freedom tayo of religion, ‘yung ginagawang ‘yun, holy union rites, pero ‘yung papel n’yo na pipirmahan, let’s say mag-abroad ‘yung isa, i-petition ‘yung isa, ino-honor sa ibang bansa. Dito kasi sa atin nasa Supreme court pa, inilalaban pa,” esplika ng aktres.
Alam na raw ng magulang ni Osang na ikakasal siya sa lesbian, “Sabi nga ni nanay, kung kailan ako tumanda, saka ako nagpakipot.
“Actually, kay Blessy lang ako nakikinig bukod sa tatay ko nu’ng buhay pa. Isang tingin lang sa akin ni Blessy, tahimik na ako kaya nga nagpapasalamat din si nanay kay Blessy kasi napatino raw ako.
“Hindi na maligalig ang buhay ko, hindi katulad dati na may (mating) sa hatinggabi, wala na ngayon, puro umaga na at hindi na ako umaalis ng hindi kasama si Blessy,” aniya pa.
Sabi namin sa kanya, at least matino na siya ngayon at masaya kami para sa kanya, “Oo nga, matino naman na ako Reggee, noon pa, ayaw mo lang maniwala,” huling hirit niya sa amin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.