Pacquiao nabawi ang WBO welterweight crown
HINDI pa laos si Manny Pacquiao na sa edad na 37 anyos ay nakakuha pa ng world boxing title.
Pinatunayan ito mismo ng Senador ng Pilipinas nang dominahin niya sa laban ang mas bata, mas matangkad at mas mabigat na kampeong si Jessie Vargas ng Mexico kahapon sa Thomas & Mack Center sa Las Nevada, Nevada, USA.
Bumagsak si Vargas nang tamaan ito ng kaliwang banat ni Pacquiao sa second round.
Nakabawi namang bahagya si Vargas sa sumunod na dalawang round pero mula rito ay nakontrol na ni Pacquiao ang laban tungo sa 118-109, 118-109 at 114-113 unanimous decision win para maagaw kay Vargas ang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown na kanya ring napanalunan kontra Miguel Cotto noong 2010 at Timothy Bradley noong 2014.
Sinubukan ni Pacquiao na tuparin ang kanyang pangakong manalo ng knockout laban kay Vargas ngunit sadyang matibay ang Mexican-American at hindi gaanong natinag bagaman nagtamo ito ng mga sugat at pasa sa mukha sanhi ng mga malalakas na suntok ni Pacquiao.
“I feel I could do more but every round I tried to knock him out,” sabi ni Pacquiao.
Ito ang ika-59 panalo ni Pacquiao na may anim na talo at dalawang draw. Ito rin ang kanyang ika-22 title fight mula 1995.
Si Vargas naman ay nahulog sa 27-2 panalo-talo karta.
Kabilang naman sa mga kilalang celebrity na nanonood sa laban kahapon sina Ms. Universe Pia Wurtzbach ng Pilipinas, PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa at ang American unbeaten boxer na si Floyd Mayweather Jr., na ayon kay Pacquiao ay inimbitahan niya na manood ng laban sa Las Vegas kahapon.
Tuloy, hindi naiwasan na magtanong ang karamihan kung magkakaroon ba ng rematch sina Pacquiao at Mayweather.
Matatandaang nagharap sina Pacquiao at Mayweather noong Mayo 2015 kung saan nanalo ang huli.
Nakatama naman si Pacquiao sa 147 sa kanyang 409 suntok habang si Vargas ay kumunekta sa 104 sa kanyang binitawang 562 suntok. Nakalamang din si Pacquiao sa power punches, 101-70.
Tatanggap naman si Pacquiao ng $4 milyon para sa labang ito bukod pa sa parte nito sa pay per view habang mag-uuwi si Vargas ng $2.8 milyon.
Aminado naman si Vargas na mas magaling na boxer si Pacquiao kahit pa mas matanda ito ng 10 taon sa kanya.
“Fighting Manny Pacquiao is like playing a very fast game of chess,” sabi ni Vargas. “You have to be alert at all times, there are a lot of punches coming in. He was very fast and he was very sharp.”
Bumilib naman si Mayweather sa ipinakita ni Pacquiao.
“Not bad,” aniya sabay bigay ng “thumbs up” kay Pacquiao pagkatapos ng laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.