Oklahoma City Thunder naungusan ang Los Angeles Clippers
LOS ANGELES — Tumira ng jumper si Russell Westbrook may 18.7 segundo na lang ang natitira sa laban para itulak ang Oklahoma City Thunder sa 85-83 panalo kontra Los Angeles Clippers kahapon sa NBA.
Lumamang ng apat, 85-81, ang Thunder mula sa jumper na iyon ni Westbrook. Sinagot naman ito ni DeAndre Jordan na umiskor ng reverse layup may 3.4 segundo na lang sa laban.
Napilitan namang magbigay ng foul ang Clippers na naghatid kay Westbrook sa free throw line.
Nagmintis si Westbrook sa dalawa niyang free throws at naubos na ang oras para sa Clippers.
Tinapos ni Westbrook ang laro na may 35 puntos, anim na rebounds at limang assists.
Ang Clippers ay pinangunahan ni Chris Paul na may 15 puntos, 11 rebounds at siyam na assists.
Hornets 109, 76ers 93
Sa Charlotte, North Carolina, umiskor ng 22 puntos si Kemba Walker at nagdagdag naman ng 20 puntos si Nicolas Batum kabilang ang 17 sa third quarter para pangunahan ang Charlotte Hornets sa panalo kontra sa wala pang panalong Philadelphia 76ers.
Ito ang ikatlong panalo sa apat na laro ng Hornets habang ang 76ers ay bumagsak sa 0-4 rekord.
Sa pamumuno ni Batum ay binuksan ng Hornets ang second half sa paghulog ng 16-2 bomba para mabura ang pitong puntos na kalamangan ng Philadelphia sa halftime break.
Nagkamit din ng walong turnovers ang 76ers sa third quarter na nagresulta sa 12 puntos para sa Charlotte.
Nagbida para sa Hornets si Frank Kaminsky na may 14 puntos para sa kanyang ikalawang sunod na double-digit game mula nang magbalik siya mula sa sprained foot injury.
Nets 109, Pistons 101
Sa New York, kumulekta si Brook Lopez ng 34 puntos at 11 rebounds at si Sean Kilpatrick ay nag-ambag ng 24 puntos para sa Brooklyn Nets na dinaig ang Detroit Pistons.
Naibuslo ng Brooklyn ang 16 sa 20 nitong tira sa first quarter para makuha ang maagang bentahe.
Unti-unti namang nakalapit ang Detroit na nagawang ibaba sa apat na puntos, 105-101, ang kalamangan ng Brooklyn sa three-point shot ni Tobias Harris may 39 segundo na lang ang natitira sa laro.
Sinagot naman ito ng apat sa sunod na free throws mula kina Lopez at Kilpatrick para mapreserba ang panalo para sa Nets.
Sina Harris at Marcus Morris ay kapwa umiskor ng 23 puntos para sa Pistons.
Lakers 123, Hawks 116
Sa Atlanta, anim na players ng Los Angeles Lakers ang umiskor ng double figures para makuha ng koponan ang ikalawang panalo sa limang laro.
Nanguna para sa Lakers si D’Angelo Russell na tumira ng 23 puntos pero si Lou Williams ang nagbida para sa koponan nang ikalat niya ang 16 sa kanyang 18 puntos sa fourth quarter.
Ang dating Lakers center na si Dwight Howard ang nanguna para sa Atlanta Hawks na may 31 puntos at 11 rebounds. Nagdagdag naman ng 26 puntos si Tim Hardaway Jr. mula sa bench.
Ito ang unang talo ng Atlanta sa apat na laro.
Rockets 118, Knicks 99
Sa New York, gumawa ng 30 puntos, 15 assists at anim na rebounds si James Harden para pangunahan ang tambakang panalo ng Houston Rockets sa hindi pa makapormang New York Knicks.
Nagdagdag ng 21 puntos si Eric Gordon para sa Houston.
Si Carmelo Anthony ay may 21 puntos para sa Knicks na nakarinig ng “boo” mula sa sarili nilang fans dahil sa masamang paglalaro.
Umangat sa 3-2 karta ang Houston at nahulog sa 1-3 ang New York.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.