CHICAGO — Umiskor si Dwyane Wade ng 22 puntos sa kanyang Chicago debut habang si Jimmy Butler ay gumawa ng 24 puntos para sa Bulls na nagwagi sa kanilang season opener matapos talunin ang Boston Celtics, 105-99, sa kanilang NBA game nitong Biyernes.
Naghulog si Wade ng corner 3-pointer sa huling minuto ng laro para umakyat ang kalamangan ng Chicago sa limang puntos. Si Taj Gibson ay nagdagdag ng 18 puntos at 10 rebounds para sa Bulls na nagkaroon ng magandang panimula matapos na hindi nakapasok sa playoffs sa nakalipas na season.
Pinamunuan ni Isaiah Thomas ang Boston sa itinalang 25 puntos. Si Avery Bradley ay nagdagdag ng 16 puntos habang si Jae Crowder ay nag-ambag ng 14 puntos para sa Celtics na galing sa panalo kontra Brooklyn Nets noong isang araw.
Ang three-time NBA champion at 12-time All-Star na si Wade ay bumitaw din ng 4 of 6 3-pointers sa laro.
Hawks 114, Wizards 99
Sa Atlanta, nagdomina si Dwight Howard sa rebounds sa kanyang Atlanta debut habang sina Paul Millsap at Tim Hardaway Jr. ay umiskor ng 28 at 21 puntos para sa Hawks na tinambakan ang Washington Wizards.
Humablot si Howard ng 19 rebounds at kumana ng 11 puntos para sa Hawks.
Spurs 102, Kings 94
Sa Sacramento, California, kumamada si Kawhi Leonard ng 30 puntos para sa San Antonio Spurs na sinira ang regular season opener ng Sacramento Kings sa kanilang bagong downtown arena.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 16 puntos para sa Spurs na naglatag ng matinding depensa sa second half sa pamumuno ni Leonard para mapanalunan ang ikalawang sunod na laro.
Pinangunahan ni DeMarcus Cousins ang Sacramento sa itinalang 37 puntos at 16 rebounds.
Clippers 114, Trail Blazers 106
Sa Portland, Oregon, kumana si Blake Griffin ng 27 puntos at 13 rebounds para pamunuan ang Los Angeles Clippers sa pagwawagi kontra Portland Trail Blazers.
Si Chris Paul ay nagtapos na may 27 puntos para sa Clippers.
Pinangunahan ni Damian Lillard ang Blazers sa kinamadang 29 puntos at 10 rebounds bago nag-foul out sa huling bahagi ng laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.