‘Bakit Lahat Ng Gwapo May BF?’ ibang-iba sa ‘The Third Party’
TOTOO nga ang sinabi nina direk Jun Lana at Perci Intalan na magkaibang-magkaiba ang pelikulang “The Third Party” ng Star Cinema at “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend?” ng Viva Films kahit na pareho itong may tema nang kabadingan.
Napanood namin ang “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend?” sa ginanap na premiere night last Tuesday na pinagbibidahan nina Anne Curtis, Dennis Trillo at Paolo Ballesteros sa direksiyon ni Jun Lana.
Hindi maiiwasang pagkumparahin ang dalawang pelikula dahil nga sa presence ng gay characters na ayon kay direk Jun ay, “Yung sa kanila (The Third Party) mas serious at saka they really tackle the LGBT (Lesbian Gay Bisexual and Transgender), ‘yung struggle ng gay couple.
“‘Yung sa ‘Gwapo’, we barely touch on that, rom-com talaga kami. Saka kay Anne naka-focus kaya du’n nagkaiba. ‘Yung Third Party, sa kanilang tatlo, itong ‘Gwapo’, nasa point of view lang ni Anne,” anito.
Oo nga, kay Anne umikot ang istorya ng pelikula na tungkol sa isang babaeng nagka-trauma na sa pakikipagrelasyon dahil lahat ng nagiging boyfriend niya at bading at ang paniniwala niya ay isinumpa siya.
Simula pa lang ng movie ay riot na ang eksena ni Anne kung saan nagwala siya sa isang event matapos malasing at tinalakan ang lahat ng lalaki dahil ang feeling niya ay bakla lahat ng mga ito.
Parehong events organizer sina Anne at Paulo, bukod sa mag-bestfriends sila ay pareho silang laging sawi sa pag-ibig. Hanggang sa bumalik ng Pinas si Dennis na bestfriend at long-time crush ni Paolo, pero hindi ito alam ng una.
Magsisimula ang conflict ng kuwento nang bumalik sa Pilipinas si Dennis mula sa US para pakasalan ang girlfriend nito, na ginagampanan ni Yam Concepcion. Kukunin nilang wedding planner sina Anne at Paolo.
As expected, nadurog ang puso ni Paolo nang malamang ikakasal na ang matagal na niyang inaasam-asam na mapasakanya dahil ang akala niya beki rin ang kanyang BFF. Hindi pa rin naniniwala si Paolo na straight guy si Dennis kaya ipinakilatis niya ito kay Anne bilang namaster na nito ang pag-amoy sa isang lalaki kung gay ba ito o straight.
Gagawin ni Anne ang lahat para patunayan na bading din si Dennis at habang papalapit na ang kasal nito ay isa-isa niyang nakikita ang signs na isa rin itong beks. Las lalo pa siyang nakumbinse na gay si Dennis nang malaman niyang ang kakambal ng tatay nitong general ay bekibelles din na ginagampanan naman ni Michael de Mesa.
At dahil nga laging kasama ni Anne si Dennis sa preparasyon ng kasal nito, unti-unti nang nahuhulog ang kanyang loob sa binata na pilit niyang pinaglalabanan dahil alam niyang mabibiktima na naman siya. Hindi na namin ikukuwento ang buong istorya ng “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend?”, panoorin n’yo na lang para maka-relate kayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.