Editorial: May pagbabago ba sa mga pulis? | Bandera

Editorial: May pagbabago ba sa mga pulis?

- October 20, 2016 - 12:38 PM

download (3)

MATINDI ang nangyaring girian sa pagitan ng mga pulis at mga raliyista kahapon ng umaga sa harap ng embahada ng Estados Unidos.

Kung makikita ang video footage kung paano nagpaka-brutal ang mga miyembro ng Philippine National Police, tiyak na mag-iinit ang ulo ninyo.

Nakagugulat at nakakakulo ng dugo nang sagasaan ng isang police mobile ang grupo ng mga nagpoprotesta. Kitang-kita sa video (mapapanood dito: https://inq.news/PoliceVanRun) kung paano pinaharurot, mag-atras-abante ang sasakyan, at walang pakundangang sinagasaan ang ilang mga raliyista.

Kitang-kita rin ang pamamalo ng mga pulis sa mga raliyista na lulan ng mga sasakyan habang papaalis ito sa harap ng embahada. Maraming nag-akala na malaki na ang ipinagbago ng mga pulis – madaling malapitan at mas may puso, gaya ng imahe na gustong ipamalas ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

Tila nasayang ang ginagawang “PR” ni dela Rosa sa iba’t ibang programa sa telebisyon na ang layunin ay mailapit ang kapulisan sa mamamayan.

Sa nangyaring banggaan sa pagitan ng mga raliyista at mga pulis, ay nagpapakita na parang walang pagbabago ang kapulisan kahit nasa ilaim na ito ng bagong pamunuan ni dela Rosa.

Oo nga’t merong mga pulis na nagasgasan ang braso at pisngi, napalo at nabato ng mga raliyista sa girian kahapon, pero ang sagasaan mo ang mga raliyista ay hindi katanggap-tanggap.

Nasaan ang maximum tolerance kung maraming mga raliyista ang nasugatan at sinagasaan pa? Ano ba talaga ang tunay na polisiya na ipinatutupad ng mga pulis kung mainit na ang ginagawang kilos-protesta ng mga raliyista?

Kung susuriin ang pangyayari, parang panahon ng martial law ang ginawa ng mga pulis; isa itong police brutality. Maitatanong mo tuloy, nasaan ba ang pagbabago?

Hindi dapat palagpasin ni dela Rosa ang nasabing pangyayari. Sayang lang ang pagpapapogi nito para maengganyo ang publiko na huwag katakutan ang kanilang kapulisan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa panahon na maraming bumabatikos sa hanay ng kapulisan dahil sa mga patayan o extrajudicial killings dulot ng kampanya laban sa ilegal na droga, hindi dapat nangyari ito. Higit na kailangan ng PNP na makakuha ito ng kakampi at simpatya ng publiko. Pero anong aanihing respeto ng pulisya sa publiko kung ganito sila kabrutal?

Kailangang matukoy ang sino mang pulis ang nag-order ng nasabing dispersal at sino ang pulis ang walang habas na nagpaharurot ng sasakyan at managasa ng mga raliyista. Dapat makilala ang mga ito, kasuhan at masibak.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending