World-class volleyball teams nasa Pilipinas na para sa 2016 FIVB Women’s Club World Championship
DUMATING na sa bansa sa pangunguna ng tinanghal na Rio Olympics Games Most Valuable Player Zhu Ting ang mga koponan at grupo ng mga world-class volleyball players na sasabak sa gaganapin na 2016 FIVB Women’s Club World Championship simula Oktubre 18 hanggang 23 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isasagawa sa bansa ang prestihiyosong kada taon na torneo kung saan tanging mga pinakamagagaling na club team ang nagkukuwalipika habang may tsansa ang iba na maimbitahan.
Inaasahang mapapalaban ang PSL-F2 Logistics Manila na binubuo nina Rachel Anne Daquis, Mika Reyes, Kim Fajardo, Jaja Santiago, Frances Molina, Jovelyn Gonzaga, Jen Reyes kasama sina Stephanie Niemer, Lindsay Stalzer, Lynda Morales, Tichaya Boonlert, Yuri Fukuda, Yevgeniya Nyukhalova at Ekaterina Krivets.
Naunang dumating ang Swiss superpower Volero Zurich habang dumating na rin Linggo ang mga koponan na magrerepresenta sa Asya na Hisamitsu Springs Kobe at Bangkok Glass.
Una nang nagsilbi para sa China na iniuwi ang gintong medalya sa nakalipas na Rio Olympics si Ting bago muling nagbalik sa kinaaaniban na komersiyal na koponan na VakifBank Istanbul squad sa primera klaseng torneo na tampok ang pinakamagagaling na indoor volleyball player sa mundo.
Maliban sa VakifBank ay nasa bansa na rin ang kasalukuyang kampeon na Eczacibasi VitrA Istanbul, ang Rexona-Sesc Rio at European titleholder Pomi Casalmaggiore.
Sasabak naman para sa Eczacibasi VitrA sina Olympics silver medalist Tijana Boskovic, ang apat na beses naging World Grand Prix gold medalist Titiana Kosheleva at Jordan Larson.
Papalo para sa Rexona sina Gabi Guimaraes, Juicely Barreto at Anne Bujis habang sina Carli Lloyd at Valentina Tirrozi sa Pomi Casalmaggiore.
Bubuksan ng PSL-F2 Logistics Manila ang kanilang kampanya laban sa Rio-Sesc Rio bukas ng alas-7:30 gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.