Communications Group ni Andanar sablay na naman sa Vietnam | Bandera

 Communications Group ni Andanar sablay na naman sa Vietnam

Bella Cariaso - October 02, 2016 - 12:10 AM

NAGKALAT na naman ang Communications Group ng Palasyo sa pinakahuling foreign trip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Vietnam.

Umalma ang mga miyembro ng media na nag-cover sa dalawang araw na official visit ni Duterte sa Vietnam dahil sa muling kapalpakan ng Presidential Communications Office (PCO) na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar.

Paano ba naman, ginastusan ng mga media entities ang biyahe para lamang maayos na makapagbigay ng balita pero mismong sila ay hindi nakakuha ng joint statement sa pagitan ni Duterte at ni Vietnam President Tran Dai Quang sa mismong araw ng kanilang bilateral meeting.

Ang siste, Huwebes pa lamang ay nakakuha na ang mga foreign media na nakatalaga mismo Vietnam ng kopya ng joint statement, samantalang nakauwi na si Duterte sa Pilipinas noong Biyernes ay doon pa lamang inilabas ng PCO ang opisyal na kopya ng joint statement.

Todo palusot naman ang PCO, kung saan ang protocol ang sinasabing may utos na i-hold ang joint statement hanggang makabalik si Duterte sa Pilipinas.

Sa napakaraming foreing trips na sinamahan ng ilang miyembro ng media para sa presidential coverage, ito ang unang pagkakataon na nakauwi na ang isang pangulo bago pa ilabas ang pinirmahang joint statement.

Hindi lamang natin malaman kung talagang palpak lamang ang PCO o sinasadya na ang sunod-sunod na sablay sa mga foreign trips ni Duterte.

Hindi ba’t sa biyahe ni Duterte sa Asean summit sa Laos ay puro kapalpakan din ang ginawa ng PCO sa pamumuno ni Andanar?

Mapapalampas ang sablay ng PCO sa unang pagkakataon pero kung ito ay gagawin tuwing may foreign trips ang pangulo, hindi ba’t bukod sa nakakahiya, hindi na katanggap-tanggap ang mga kapalpakan na ito?

Kailangan pa bang mag-seminar si Andanar at ang kanyang PCO team sa ibang dating naging team ng Communications Group para matuto o sarado na rin ang isip dahil sa pakiramdam nila ay napakagaling nila?

Hindi pwedeng laging idahilan na palusot ni Andanar na hindi baleng palpak siya at kanyang PCO, hindi naman sila corrupt.

Nagmumukha tuloy katawa-tawa ang PCO sa laging kapalpakan nito, hindi lamang dito sa bansa kundi sa foreign trips ni Duterte.

Ang nakababahala pa ay kung ganito rin ang gagawin ng PCO sa nakatakdang pagho-host ng Pilipinas sa susunod na Asean Summit sa susunod na taon.

Kung sa isang bansang binibisita ni Duterte ay hindi maperfect ng PCO, paano pa kung napakaraming bansa at delegado ang aasikasuhin nito sa nakatakdang Asean summit sa 2017.

Dapat ikonsidera ni Andanar na mag-seminar sa dating mga kalahim o aminin na lang na hindi niya kayang gampanan ang kanyang posisyon.

Hindi na nga nakakatulong sa kanyang Boss, nakadadagdag pa sa mga batikos dahil sa mga kapalpakan at sablay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tsk, tsk, ts

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending