Movie Review: Barcelona: The Love Untold; Hindi lamang isang kilig movie
PATULOY na pinipilahan ang pelikula ng loveteam na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na, Barcelona: The Love Untold, at ang maipagmamalaki ng mga tagahanga ng KathNiel na hindi lamang ito isang kilig movie.
Kwento ito nina Ely at Mia, na nagsimula ang love story sa Barcelona, na kapwa may hugot ang buhay nang magtagpo sa ibang bansa.
Napaka-epektibo ng pag-arte rito ni Kathryn bilang Mia, isang dayo sa Barcelona na walang ginawang tama sa kanyang pinapasukang trabaho.
Naroon naman si Ely(Daniel), na laging handang tumulong at sumalo sa lahat ng pinagdadaanan ni Mia.
Rebelasyon dito ang sobrang natural na pag-iyak ni Kathryn kung saan talagang bumabaha ng luha sa tuwing umiiyak siya bilang Mia.
May pagkakahawig ang tema ng pelikula sa Milan noon na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Claudine Barretto kayat hindi maiiwasan na ikumpara ang acting nina Kathryn at Daniel sa kanila.
Grabe ang tilian ng mga KathNiel fans sa tuwing magkakaroon ng eksenang naghahalikan ang dalawang bida.
Hindi rin nagpahuli ang pelikula sa blockbuster sa kabila na kasabay nito ang patuloy na pinag-uusapang Train to Busan, na isang Korean movie.
Dahil medyo seryoso ang tema ng pelikula ngayon ng KathNiel, hindi naman nawawala ang malaking hamon na malilinya na ang love team sa talagang dramatic movies at tapos na ang mga pa-cute na pelikula.
May konting napansin lamang ako sa makeup ni Daniel, na hindi naman siguro ikagagalit ng mga KathNiel fans, medyo tumanda ang itsura ni Daniel sa ilang eksena nila ni Kathryn, dahil sa kapal ng foundation.
Pero sa kabuuan, talagang nag-enjoy ako sa movie at tiyak kong mag-eenjoy din kahit ang mga hindi KathNiel fans.
Kung magaan pa nga ang luha nyo, mapapaiyak kayo kasama ni Mia.
Sa iskor na 1 hanggang 10, kung saan 10 ang pinakamataas na iskor, bibigyan ko ang pelikula ng iskor na 8.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.