Jerome Ponce makikipagtagisan ng akting kay Ipe sa MMK
MAGSASAMA sina Phillip Salvador at Jerome Ponce upang ibahagi ang kwento ng apong pilit na itinatago ang kaniyang tunay na kasarian mula sa kaniyang lolo sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado.
Iniwan ni Elang (Ela Cruz) ang kaniyang anak na si Gilbert (Jerome) sa lolo nitong si Ilong (Phillip) upang maghanap ng trabaho sa siyudad. Sa hindi inaasahang pangyayari, si Elang ay hindi na bumalik sapagkat siya ay nabuntis ng ibang lalaki roon.
Kaya naman simula noon ay si Ilong na ang nagtaguyod sa apo. Bagamat napapansin minsan ang lamya sa ikinikilos ni Gilbert ay ininda lang niya ito at nagpatuloy sa pagsisikap na maibigay ang pangangailangan nilang mag-lolo.
Dahil sa takot sa magiging reaksyon ng lolo kung kaya’t pinili rin ni Gilbert na itago ang kanyang tunay na sekswalidad at maging kumportable na lang sa sarili kapag nasa eskwela. Papasok na dapat ng kolehiyo si Gilbert ng nagsimulang mawalan ng trabaho si Ilong. Kakaunti na lang ang kumukuha sa kanya dala ng kanyang edad.
Paano niya mapag-aaral si Gilbert? Paano aaminin ni Gilbert ang katotohanan sa lolong kilalang siga sa kailang lugar? Manaig kaya ang pagmamahal niya sa lolo?
Ang espesyal na grandparents day episode ng MMK ay pagsaludo sa lahat ng lolo at lola na tumayong ina at ama sa kanilang mga apo.
Kasama rin dito sina JB Agustin, Manuel Chua, Eric Nicolas, Josh de Guzman, Dang Cruz, Lui Manansala at Nico Antonio, sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos. Napapanood pa rin ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.