Kapuso stars sumugod sa 3 bonggang festival sa Pinas
BUMISITA sa Mindanao ang ilan sa pinakamaiinit na Kapuso stars upang makiisa at makisaya sa pagdiriwang ng tatlo sa pinakamalalaking festivals sa bansa: ang Kadayawan ng Davao, Higalaay ng Cagayan de Oro, at ang Tuna Festival ng General Santos.
Mas pinatingkad pang lalo ng mga bida ng hit telefantasya na Encantadia ang itinuturing na “king of all festivals” ng Mindanao—ang Kadayawan Festival—sa pamamagitan ng isang Kapuso Mall Show sa Gaisano Mall Davao noong Aug. 20.
Libo-libong mall-goers ang nakisaya sa mga Sang’gre na sina Kylie Padilla at Glaiza de Castro, kasama sina Ruru Madrid at Migo Adecer. Pinakilig din ni GMA Artist Center star James Wright ang mga manonood.
Kinabukasan, suot ang kanilang Encantadia outfits, sumakay sa Kapuso Float sina Kylie, Glaiza, Ruru, at Migo bilang pakikibahagi sa Pamulak sa Kadayawan Float Parade.
Mas lalo pang naging makulay ang pagdiriwang ng Kadayawan Festival sa pagdating ng cast ng mga naglalakihang Kapuso show na Someone To Watch Over Me, Sinungaling Mong Puso at Juan Happy Love Story. Nagsama-sama ang mga bida ng mga nasabing programa para sa isa pang Kapuso Mall Show na ginanap noong Aug. 21 sa Abreeza Mall.
Pinangunahan ni Premier Actress Lovi Poe at Kapuso leading man Tom Rodriguez ang mall show kung saan nag-promote rin sila ng kanilang bagong drama series na Someone To Watch Over Me. Buong pwersa rin ang pagpapakilig ng mga bida ng Afternoon Prime series na Sinungaling Mong Puso, sina Rhian Ramos, Rafael Rosell at Kiko Estrada.
Naging mainit naman ang song numbers ng stars ng katatapos lang na sexy-comedy series na Juan Happy Love Story na sina Dennis Trillo at Kim Domingo.
Makalipas ang isang linggo, muling lumipad pa-Mindanao ang leading men ng Sinungaling Mong Puso upang makiisa naman sa pagdiriwang ng Higalaay Festival ng Cagayan de Oro City.
Sa kanilang Kapuso Mall Show sa Centrio Mall noong Aug. 28, hinarana ng Kapuso hunks na sina Rafael at Kiko ang mga Kagay-anon. Kasama ang comedienne at event host na si Maey Bautista. Bago ang mall show, binisita rin ng dalawang aktor ang mga residente ng Brgy. Macabalan para sa isang Kapuso Barangayan.
At nitong nakaraang Sabado, muling sinamahan ni Rhian ang kanyang co-stars para sa isang Kapuso Mall Show sa KCC Mall bilang pagdiriwang ng Tuna Festival sa GenSan.
Tinaguriang “Tuna Capital of the Philippines” ang GenSan at bawat taon ay ipinagdiriwang ng lungsod ang Tuna Festival bilang pasasalamat sa masaganang huli ng tuna. Sina DJ Papabola at DJ Mama Angel ng Brgay 102.3 ang hosts ng nasabing Kapuso Mall Show.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.