Problema sa traffic lalala sa 'brilliant idea' ni Suarez | Bandera

Problema sa traffic lalala sa ‘brilliant idea’ ni Suarez

Leifbilly Begas - September 07, 2016 - 12:10 AM

MAY brilliant idea itong si House minority leader Danilo Suarez upang lumuwag ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila: gawing 24-oras ang number coding.

Ibig sabihin kung coding ka, mula 12:01 ng umaga hanggang 11:59 ng gabi ay hindi mo maaaring gamitin ang sasakyan mo sa National Capital Region.

Ayaw ni Suarez sa ipinatutupad na window period ng Metro Manila Development Authority o ang oras na maaaring bumiyahe ang mga coding na sasakyan mula 10 ng umaga (matapos ang rush hour) hanggang 3 ng hapon (bago ang rush hour).

Ang number coding ay ipinatutupad mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi lamang, sa kasalukuyan.

Pangamba ng marami ay baka sa halip na mabawasan ang mga sasakyan sa lansangan ay lalo itong madagdagan.

Bakit? Huwag natin kalilimutan na marami ang nagtitiyaga sa trapik dahil hindi nila kaya na makipagsiksikan sa mga pampasaherong bus at mga tren— Metro Rail Transit Line 3 at Light Rail Transit Line 1 at 2.

Kung gagawing 24-oras ang number coding, ang gagawin lang ng mga may sasakyan ay bumili ng isa pa para may magamit sila.

Hindi naman natin maaasahan na hindi lalabas ng bahay ang mga mayayaman dahil coding ang sasakyan nila. At mukhang malabo rin naman na makipagsiksikan sa MRT ang mga ito.

Kaya ang kanilang gagawin ay bibili ng dagdag na sasakyan— bago man o hindi.

Kung magkakaganito ay baka mas dumami ang sasakyan sa Metro Manila. Huwag kalilimutan na sa isang linggo ay isang araw lamang nila ito hindi maaaring gamitin.

Ibig sabihin, maaaring nasa lansangan ang kanilang sasakyan nang apat na araw sa weekdays at sa dalawang araw ng weekend.

Walang nagbabawal sa kanila na ipagamit nang sabay ang kanilang sasakyan.

Kung halimbawa noon, inihahatid muna ang anak sa eskuwelahan bago pumasok sa trabaho. Ngayon pwede nang hindi magsabay ang papasok sa eskuwelahan at ang papasok sa trabaho— dalawang sasakyan na sabay gugulong sa Metro Manila.

Ang mga kongresista, maaasahan ba natin na hindi sila bibili ng dagdag na sasakyang pang coding?
Sabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ay wala pang inilalabas na protocol plate no. 8 ang Land Transportation Office para sa mga miyembro ng 17th Congress kaya iligal ang mga plakang 8 na ginagamit pa rin ngayon.

Ang dapat na ginagamit nila sa kanilang mga sasakyan ay ang mga regular na license plate.

Kung ganon, masasabi na kasali sila sa ipinatutupad na number coding, di ba?

Kung kongresista ka, paano ka pupunta sa Kamara de Representantes para dumalo sa sesyon o kaya sa committee hearing kung coding ang sasakyan mo?

Malabo naman na mag-commute sila. Kahit na ang mga mahihirap na partylist congressman na hindi kasali sa millionaires list ng Kamara ay may nagagamit na sasakyan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bili na lang ng isa pa. At ibili mo na rin ang misis mo at mga anak mo para may magamit sila kapag coding ang kanilang mga sasakyan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending