Paano tatanggihan ang mangungutang na kamag-anak? | Bandera

Paano tatanggihan ang mangungutang na kamag-anak?

Susan K - September 02, 2016 - 12:10 AM

KAPAG merong overseas Filipino worker sa pamilya o sa kamag-anakan, palaging iniisip nilang may pera yan, bigtime at madaling utangan.

Maraming kaso ng awayan ng mga magkakamag-anak ang nag-uugat sa problema tungkol sa pera.

Aminado naman ang marami nating OFWs na madalas na ugat ng maraming mga problema ay ang usapin nang pagpapautang.

Sa pamilya ng OFW madalas nga raw ang ganitong sitwasyon ng awayan ng mag-asawa na nauuwi pa minsan sa hiwalayan.

Tulad ni Robert, isang seaman. Noong binata pa siya, buong-buo kung iabot niya sa kaniyang ina ang lahat ng kaniyang sahod. Nang mag-asawa na siya, siyempre nag-iba na ang sitwasyon. Hindi na sa ina napupunta ang sweldo niya kundi sa misis na.

Inaabut-abutan na lamang ni Robert ang kanyang ina, at kung magkano lang ang gustong ipabigay ng asawa ay iyon lang ang iniaabot.

Pero ang kaso, sa pamilya o kaanak ng kanyang misis, maluwag na maluwag na makapagbigay ito sa mga ito kapag nanghihingi o di kaya ay nangungutang. Hindi maaaring hindi mapagbigyan ang side ni misis.

Naging sunud-sunuran si Robert sa bawat kagustuhan ng asawa. “Andres de saya” kung tagurian tuloy ito ng kaniyang sariling pamilya.

Matindi na rin ang paghihimutok ng ina ni Robert sa kanya. Binalewala na ‘anya siya ng sariling anak at mas iniintindi pa nito ang ibang tao, lalo na sa kapailya ng kanyang misis.

Palibhasa’y nakatira sila sa iisang bubong, nababantayan tuloy ng ina ni Robert ang bawat galaw ng misis nito. Ang madalas niyang paglabas-labas, pagsa-shopping at mabilis na pagpapautang sa mga kamag-anak ay namomonitor ng matanda.

Ang pahayag ng misis, hindi niya raw kayang pahindian ang mga ito lalo na kapag nagmamakaawa na.
Pihadong hindi lang ang gaya ni Robert ang may ganitong sitwasyon ngayon. Marami pang OFW ang hindi makahindi sa mga nangungutang sa kanilang mga kaanak.

May mga kababayan tayong ayaw makunsumi sa paniningil, kung kaya’t sa halip na magpautang, nais na lamang nilang bigyan ng kahit kaunting halaga ang nangungutang.

Puwede rin naman ang ganyang sistema, ngunit hindi sa lahat ng panahon. Kahit kamag-anak, alamin din ang kakayahan nilang magbayad. At alamin din ang hangganan ng iyong kakayanan magpautang.

Iba ang utang sa bigay. Kung ipangsusugal lang naman o ipang-bibisyo lamang ang uutangain, hindi kailangan magpatumpik-tumpik; hindian kaagad ito! Mahirap magpautang sa mga taong may bisyo.

Madaling tumanggi lalo pa’t alam mo kung hanggang saan ang kakayanin ng iyong suweldo. Lalong mas madaling tanggihan ang mga umuutang kung may pinaglalaanan na ang iyong salaping sasahurin. Hindi masamang tumanggi at sabihing wala kang ipauutang sa kanila dahil naka-budget na ang lahat.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending