De Lima nagbanta sa mga nag-uugnay sa kanya sa droga
NAGBANTA si Sen. Leila de Lima na reresbakan ang mga opisyal na magpapagamit para siya iugnay sa droga.
Ito’y matapos ang ulat na gumawa ng affidavit ang dalawa sa kanyang dating empleyado sa Department of Justice (DOJ)na nagsasabing inatasan umano sila ng dating kalihim na magdeposito ng milyong-milyong piso sa isang bank account.
Idinagdag ni De Lima na nakatanggap siya ng impormasyon noong Martes na kinausap umano ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang dalawang empleyado at pinaamin ang pagkakaroon ng milyong-milyong deposito sa bangko.
“Parang pinapaamin sa kanila na meron daw silang accounts na may deposit of certain millions. Parang pinapaamin din sa kanila na ako ang nagpabukas nu’n para doon daw ipadaan yung mga nanggagaling sa drug lords, drug convicts. Jesus Christ!” sabi ni De Lima.
Iginiit ni De Lima na pawang gawa-gawa lamang sakaling magkaroon ng bank account ang mga dating empleyado.
“First, the alleged existence of the accounts, that’s a fabrication. I don’t think those two would have those accounts, instant millionaires nga sila,” sabi ni De Lima.
Sinabi pa ni De Lima na natataranta na ang mga nagsusulong ng imbestigasyon laban sa kanya sa Kamara kayat kung ano-ano na ang pinapalutang.
“Nagpapanic na sila. They know they have nothing so ngayon binibilisan na nila ang pag-fabricate, pag-manufacture ng mga so-called evidence. Grabe na ito,” ayon pa kay De Lima.
Umapela si De Lima kay Aguirre at NBI Director Dante Gierran na huwag magpagamit.
“Alam ko namang matitino kayong official. Huwag na kayong maging party to any perjury or to subornation of perjury,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.