Iba pa rin ang may import | Bandera

Iba pa rin ang may import

|August 27,2016
facebook
share this

Iba pa rin ang may import

- August 27, 2016 - 12:00 PM

HINDI porke’t nagawa ng San Miguel Beer na magwagi kontra Alaska Milk, 106-103, sa isang laro kung saan wala silang import ay uubra na silang mag-All-Pinoy hanggang dulo.

Mahirap ‘yun ah! Masyadong malaking partida ang maglaro nang walang import sa isang import-laced tournament. Walang garantiya na gabi-gabi ay kaya ng mga locals na buhatin ang koponan kontra sa kalabang may nasasandalang import.

Sinuwerte lang talaga ang San Miguel Beer noong kaharap nila ang Alaska Milk.

Hindi naglaro si Arizona Reid na nagsabi na mayroon siyang dinaramdam at nahihirapang gumalaw nang maayos. Nagpunta naman sa Araneta Coliseum si Reid at nagbigay suporta sa kanyang mga kakampi.

Bago nag-umpisa ang laro ay kinausap pa namin si coach Leo Austria upang itanong kung talagang hindi lalaro si Reid. Nasabi niya na nakahanda naman sila na maglaro nang all-Filipino.

“Na kay AZ ‘yun kung gusto niyang maglaro. Kung ayaw niya, okay lang. Wala kaming magagawa,” ani Austria.

Ang totoo ay gusto naming itanong kung ano ang pangalan ng kapalit ni Reid.

Kasi kalat na nga ang balitang kinausap na ng San Miguel Beer ang isang player agent at nagkasundo na sa pagdating ng isang replacement import. Ayaw lang ibigay ng agent ang pangalan ng darating na import dahil sa gusto niya ay nandito na ang  bagong manlalaro bago gumawa ng announcement.

Alam naman namin na kahit itanong namin kay Austria kung may kapalit na si Reid o kung sino ang kapalit ni Reid ay hindi kami makakakuha ng sagot. Hindi rin niya ibubunyag iyon. Siyempre, kahit paano ay ayaw naman niyang sunugin nang tuluyan ang relasyon nila ni Reid.

Pero sa tingin ng karamihan ay malapit na ring mapuno si Austria sa ginagawa ni Reid. Ilang beses na siyang binabastos ng import na ito. Pinalalampas lang niya.

Kung si Reid ay naglalaro pa sa Rain or Shine sa ilalim ni coach Yeng Guiao, malamang na napalayas na kaagad siya!

Pero sadyang mabait si Austria at hindi basta-basta napipikon. Matagal ko nang kilala si Leo at alam ko na ang ugali niya. Nagkasama kami noong nasa Masagana 99 pa siya. Katunayan, ang unang out-of-town trip ko bilang sportswriter ay noong nagpunta ang Masagana 99 sa Davao mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas! Ganoong katagal ko na palang kilala si Leo!

Kaya hindi ko naman gagamitin ang aming pagiging magkaibigan para piliting ihayag niya ang pangalan ng kanilang bagong import. Kung mayroon nga. Hihintayin ko na lang ang opisyal na pag-aanunsyo.
Pero hindi ko rin masisisi si Austria kung pauwiin niya si Reid at sumugal sa bagong import. Tutal, kaya naman ng mga locals na manalo nang wala si Reid, e. Mas kakayanin nilang manalo kung hindi suwail ang kanilang import!

Ani Leo matapos ang tagumpay kontra Alaska Milk, “The good thing about having no import was that every player was challenged. It’s a blessing in disguise. Lumabas talaga ang totoong laro namin.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero siyempre, hindi naman puwedeng iasa nang iasa sa blessing ang lahat. Kailangang gawin din ng bawat isa ang kanilang magagawa upang masiguro ang tagumpay.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending