Ikatlong sunod na ginto puntirya ng USA kontra Serbia
Dennis Christian Hilanga - Bandera August 21, 2016 - 05:52 PM
PIPILITIN ng USA na makamit ang ikatlong sunod na kampeonato habang asinta ng Serbia na sungkitin ang unang titulo sa kanilang pagtutuos sa finals ng men’s basketball ng 31st Summer Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Ito ang pangalawang beses na magtatagpo ang dalawang bansa para sa titulo, ang una ay noong 1996 Atlanta Olympics kung saan ang Serbia ay bahagi pa ng Yugoslavia. Nagwagi ang Amerika, 95-69.
Bitbit ang back-to-back gold, itataya ng Estados Unidos ang malinis na karta sa pagharap sa hamon ng Serbs sa ganap na 3:45 ng hapon (Agosto 22, Lunes, 2:45 ng umaga sa Pilipinas) kasunod nang tagisan ng Australia at Spain para sa tansong medalya sa hanap na 11:30 ng gabi (Agosto 21, Linggo, 10:30 ng gabi oras sa Maynila).
Galing ang mga Amerikano sa 82-76 pagpapatalsik sa karibal na mga Espanyol upang manatiling walang talo sa pitong laro sapul magbukas ang torneo habang pinaluhod ng Serbia ang mga Australyano, 87-61, sa knockout semifinals at pagtibayin ang tsansang maibulsa ang gintong medalya.
Tumuntong ang world number one USA sa ikatlong sunod na finals appearance mula 2008 Beijing at 2012 London Games kung saan ito rin ang naghari sa mga nabanggit. May 14 gintong medalya na ang bansa simula ng lumahok ito noong 1936.
Ang Serbs naman ay nasa ikalawa nilang finals appearance, ang pinakamagandang kampanya nito sa loob ng 20 taon at matapos hindi makasali sa nakalipas na dalawang Olympics.
Sa preliminary round ay muntikan nang talunin ng Serbia ang Amerika bago yumuko, 91-94.
Muling magpapakitang gilas ang pamosong USA team na binubuo ng NBA players sa pangunguna nina veteran Kevin Durant at Carmelo Anthony, ang dalawang manlalaro ng koponan na may team high 17.9 at 12.9 points per game ayon sa pagkakasunod kasama ang mga shooters na sina Klay Thompson, Kyrie Irving at Paul George bukod sa pito pang kakampi na nasa kanilang unang international duty.
Kakapit naman kay Bogdan Bogdanovic, Miroslav Raduljica, Milos Teodosic at Denver Nuggets standout Nikola Jokic ang Serbia sa pagnanasang maka-iskor ng upset win laban sa mas pinapaborang kalaban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending