Jake, Sue, Klarisse, Jason bidang-bida sa ABS-CBN online
KILALA ang ABS-CBN sa mga patok nitong programa sa telebisyon at mga pelikulang pinipilahan sa takilya. Pero sa ginanap nitong unang digital trade event kamakailan lang, naipakita ng Kapamilya Network na nangunguna rin ito sa paggamit ng internet para magdala ng balita, impormasyon at aliw sa mga Pilipino.
Ibinahagi ni ABS-CBN chief digital officer Donald Lim sa trade event na ang dating tinatawag na “largest TV network” ay nagiging isang digital company na dahil bukod sa milyun-milyon ang pumupunta o kaya sumusunod sa mga website, social media accounts, at YouTube, dumarami na rin ang mga proyekto nito na pang-digital.
Ayon kay Lim, www.abs-cbn.com ang nangungunang media website sa Pilipinas na nakakakuha ng aabot sa 248 million page views buwan buwan. ABS-CBN Entertainment naman ang numero unang YouTube channel na may higit sa apat na bilyong views at halos apat na milyong subscribers. Pati social media accounts ng mga programa nito at mga Kapamilya artist, marami rin ang sumusunod. Sa katunayan, lumampas na sa 13 million ang nag-like sa ABS-CBN facebook page, samantalang higit 11 million naman ang nag-like sa ABS-CBN News facebook page.
Tinatangkilik din ng publiko ang multi-channel network ng ABS-CBN sa YouTube na Chicken Pork Adobo. Dito napapanood ang mga show ng mga online sensations tulad nina Lloyd Café Cadena, Bretman Rock at ang The Soshal Network. Sari-sari ang mga pakulo ng higit sa 300 “Adobers” ng CPA, na itinatag noong 2015 para tulungan ang mga nagnanais maging digital star.
Ang TV stars na sina Jake Cuenca at Sue Ramirez, ay ginagabayan ng Stellar, ang social media marketing agency ng ABS-CBN, kasama ang iba pang Kapamilya artists na kinukuha ring endorser ng mga produkto dahil sa kanilang hatak sa social media.
Sa online music hub na OneMusicPH naman maaaring mapakinggan, mapanood, at mabalitaan ng mga netizen ang mga sikat na OPM artist tulad nina Klarisse De Guzman, Jason Dy at Kristel Fulgar, na nagpakitang-gilas during the digital trade event.
Kita rin ang pagiging digital ng ABS-CBN sa pagiging una sa pagpapalabas ng mga TV show sa internet sa pamamagitan ng video-on-demand website na iWant TV. Ayon pa kay Anna Rodriguez-dela Cruz, ang head for content on mobile and OTT ng ABS-CBN, dahil sa patuloy ang pagdami ng mga taong nanonood ng mga palabas sa internet at gamit ang kanilang mobile phones, dadami rin ang mga handog nilang programa na mapapanood lang sa iWant TV.
Dahil sa misyon ng Kapamilya Network na makapagdala ng serbisyo publiko sa mga Pilipino sa buong mundo, patuloy itong hahanap at gagamit ng makabagong teknolohiya upang maihatid ang mga kuwentong sumasalamin sa buhay ng bawat pamilyang Pilipino, ang pinakamainit na balita at impormasyong may kabuluhan sa kanilang pamumuhay.
Nanguna rin ang ABS-CBN sa pagdala ng digital terrestrial television sa bansa sa pamamagitan ng mahiwagang black box ng ABS-CBN TVplus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.