MASAYANG nakakuwentuhan ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM si Labor Attache’ Jalilo dela Torre mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Hongkong.
Una niyang nabanggit ang mga pagkilos ngayon ng mga dayuhang manggagawa sa Hongkong kasama na ang mga Pilipino doon hinggil sa kahilingan nilang dagdag sahod.
Ayon kay dela Torre, taun-taon namang ginagawa ng Ministry of Labor sa Hongkong ang naturang review para sa mga pasahod sa kanilang mga manggagawa doon. Sa Hongkong, puwedeng itaas o di kaya’y puwedeng ibaba ang suweldo doon, hindi katulad sa Pilipinas, hindi tayo puwedeng magbaba ng pasahod, tanging umento o increase ng suweldo lamang ang palaging pinagdedesisyunan.
Tulad ng binanggit ni dela Torre, inaasahan ng ating mga OFW na maaaring maumentuhan na naman ang kanilang sahod sa taong ito.
Ngunit may nakatutuwang kuwento ang Bantay OCW pagdating sa usapin ng mga pasahod sa ating mga OFW.
Naaalala ko noon may mga nanay na OFW na nakikiusap sa ating programa kung puwedeng huwag na sanang maibalita sa Pilipinas kapag mayroon ‘anyang increase sa kanilang mga suweldo na ikinagulat naman namin.
Sabi nila, “kasi po lalong dumadami yung mga hinihingi ng mga kamag-anak namin dahil alam nilang tumaas na naman daw ang suweldo namin”.
Alam din naman nating pawang mga kababaihan ang bumubuo ng malaking bilang ng ating mga OFW sa Hongkong, kaya may ibang problema din silang nababanggit.
Naaalala ko pa ang galit sa mukha ng isang mister ng ating OFW noon na nagsumbong sa Bantay OCW at sinabing hindi ‘anya ipinaalam ng kaniyang asawa na mayroon na pala itong increase sa suweldo.
Kung hindi pa ‘anya nito nakakuwentuhan ang mister ng isa ring OFW sa Hongkong, hindi pa ‘anya nito malalaman na may extra palang pera si misis.
Sagot namin sa kaniya, maaaring may ibang dahilan ang kaniyang misis kung kaya’t sinadya nitong hindi sabihin sa kaniyang mister ang dagdag suweldo.
Maaaring may pinaglalaanan ‘kako siya upang gamitin ang naturang salapi sa espesipikong mga proyekto o iba pang gastusin.
Ngunit nagalit pa rin si mister at sinabi niyang gagamitin lamang ‘anya iyon ng kaniyang asawa para sa sarili tulad ng pambili ng seksing mga damit upang ipang-porma lamang nito tuwing day-off niya at ang mas matindi pa ‘anya, may kinalolokohan itong ibang lahi sa Hongkong at pakiramdam niya, maaaring karelasyon na iyon ng asawa.
Babala namin kay mister, huwag siyang magbibintang dahil tiyak na sisira ito sa kanilang relasyon at pinakamabuti pa rin ang masinsinang pag-uusap nila hinggil dito. At nag-ugat ang lahat ng iyan dahil sa dagdag suweldo.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.