outbrain

Yassi Pressman pasok na sa serye ng ABS-CBN

By Reggee Bonoan August 11,2016
share this

Yassi Pressman pasok na sa serye ng ABS-CBN

By Reggee Bonoan August 11,2016 - 12:26 AM

yassi pressman

Sobrang nagpapasalamat si Yassi Pressman dahil na-experience niya ang maging housemate sa Pinoy Big Brother Lucky 7, at marami raw talaga siyang natutunan sa loob ng Bahay ni Kuya. Pinagkuwento namin si Yassi tungkol sa mga kaganapan sa PBB house, “Marami po kasing hindi puwedeng sabihin, ang masasabi ko lang po, isa siyang experience na nakapagbago po ng life ko.

“Dati po, sobrang thankful na ako sa lahat ng meron ako. Nawalan na rin kasi ako noon ng work, ngayon nagkaroon po ako ng blessings, marami po akong trabaho kaya sobrang thankful ako. Nu’ng nandoon po ako sa loob ng bahay, marami akong bagay na nati-take for granted.

“Kaya ngayon po, kahit saan ako magpunta at napapansin ko lahat ng maliliit na bagay ay nagiging thankful po ako,” kuwento ng isa sa bida ng “Camp Sawi” mula sa Viva Films at N2 Productions. Sa tanong kung bakit pumasok pa sa PBB si Yassi gayung sikat na siya at may career na sa showbiz, “Sa akin po kasi hindi siya kung anong level ka bilang artista or bilang tao.

Pumasok po ako kasi una, gusto kong ma-experience dahil napapanood ko ‘yung show, fan ako ng show and gusto kong maka-experience ng ganu’n bagay na hindi talaga nararanasan ng tao. Tapos, when I got in, doon ko naranasan na sobrang iba pala talaga kapag nandoon ka na sa loob dahil hindi mo siya mako-compare kahit sa anong experience na magagawa mo outside,” kuwento ni Yassi.

Nag-expect ba siyang maging big winner, “Hindi po, hindi naman kasi ‘yun ang goal ko. Ang goal ko po ay magkaroon ng friends pa in the house and to experience kung ano ba ang ginagawa sa loob ng Bahay ni Kuya, sino ba si Kuya at ano ang pakiramdam kapag narinig mo ang boses ni Kuya,” paliwanag ng Viva star.

Sa tanong din kung contract star na siya ng ABS-CBN dahil sumali na siya sa PBB, “I signed with Viva and sa network po, abangan n’yo na lang po kung ano ang susunod na gagawin ko sa ABS.” Actually, alam na namin kung ano ang susunod na project ni Yassi base sa tsika ng aming source, ayaw lang naming pangunahan ang ABS-CBN kung ano ito.

Pero ang clue, mapapasama ang dalaga sa isang umeereng serye at magiging maganda ang role niya rito.
Samantala, inamin ng aktres na sobrang excited siya nang mapunta siya sa ABS-CBN dahil, “Pinangarap ko po talaga ‘yun. Sa GMA po kasi, doon po ako unang dinala kaya parang ‘yun po talaga ‘yung place for a long time, two years na rin po na wala akong network talaga.

“Sa GMA po, hindi ako pumirma kaya simula po nu’ng nagsimula ako, wala talaga akong network contract, I’m a free lancer po, eversince,” aniya pa. At dahil certified Kapamilya star na si Yassi ay pangarap niyang magbida sa Maalaala Mo Kaya at makapag-guest sa ASAP, “Gusto ko pong ipakita na kumakanta rin po ako, kaya gusto kong mag-ASAP, I can sing and dance naman po talaga,” say ng dalaga.

Going back to “Camp Sawi”, gagampanan ni Yassi ang karakter ni Jessica na isang perky cheerleader na iniwan ng kanyang varsity boyfriend. Kasama rin sa movie sina Andi Eigenmann, Kim Molina, Bela Padilla at Arci Munoz with Sam Milby and Jerald Napoles mula sa direksyon ni Irene Villamor with Binibining Joyce Bernal as creative consultant. Mapapanood na ang “Camp Sawi” sa Agosto 24 na itinakda ring National Sawi Day.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending