Negosyanteng may private army wanted na kay Digong
SA isang isla sa Southern Tagalog region itinatago ng isang kontrobersiyal na negosyante ang kanyang private army na umano’y pinamumunuan ng isang dating military official.
Sa nasabi ring isla matatagpuan ang isa sa pinakamahal na resort sa bansa kung saan ikinasal ang ilang kilalang celebrities at mga pulitiko.
Nabisto ang nasabing private army makaraang kumanta ang isang dating tauhan ni Mr. Businessman.
Doon kasi hinarass at sinasabing muntik ilibing nang buhay ang tauhan ni Sir na kamakailan ay lumitaw para kasuhan ang kanyang dating amo.
Ibinisto rin ng nasabing dating trusted man ni Mr. Businessman kung paano gumawa ng mga ilegal na bagay ang kanyang dating bossing para makapanggulang sa mga pinapasok na negosyo.
Mula sa pagpapagawa ng mga pekeng dokumento sa Recto hanggang sa pagbubukas ng mga fictitious accounts sa mga bangko, lahat daw ng mga ito ay kanyang ginawa dahil sa kumpas ng dati niyang amo.
Pero dahil sa sulsol ng ilang mga inggitero kaya biglang nagalit sa kanya ang negosyante.
Kung ano-anong mga paninira raw ang ipinaratang sa kanyang dating bossing lalo’t nabisto ng ilang mga bangko na peke ang pangalan ng ilan sa mga binuksan nilang accounts.
Umabot na sa sukdulan ang lahat nang kasuhan ni Mr. Businessman ang kanyang dating tauhan ng qualified theft na nauwi pa sapilitang pagdadala sa kanya sa naturang isla sakay ng isang private plane.
Kasalukuyang nasa witness protection program ng DOJ ang dating empleyado ni Mr. Businessman dahil sa patuloy na pangha-harass sa kanyang pamilya.
Kontrobersiyal ang negosyante sa ating kwento dahil sa lawak ng kanyang impluwensiya mula pa sa admiinistrasyon ng mga nakalipas na pangulo ng bansa.
Pero ngayon masusubok ang kanyang tatag.
Mainit sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte dahil nagawa raw malusutan ng negosyante ang halos ay daang milyong piso niyang pagkakautang sa pamahalaan.
Ang negosyante na kinasuhan ng illegal detention ng kanyang dating tauhan na nambisto rin ng kanyang mga kalokohan ay si Mr. O….as in Oligarch.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.