Magnificent 7 ng volleyball kakasa sa dayuhan sa FIVB Club Championship
HINDI lamang talento, tangkad, puso at potensiyal ang magiging sandata ng tinaguriang “Magnificent 7” o ang pito kataong bibitbit sa kampanya ng Pilipinas sa FIVB Women’s Club World Championship sa Mall of Asia Arena simula Oktubre 18 hanggang 23.
Sinabi mismo ni Philippine Superliga (PSL) president Ramon Suzara na aprubado ito sa komposisyon ng koponan na inaasahang hahaluan ng pitong dayuhang manlalaro na bubuo sa PSL All-Stars na sasabak sa presithiyosong torneyo na tampok ang pinakamagagaling na club team sa buong mundo.
Matapos ang isang buwang deliberasyon ng mga PSL coaches sa pamumuno ni training and development director Sammy Acaylar ng Cignal ay pinili ang wing spikers na sina Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga ng RC Cola-Army at Frances Molina ng Petron; middle blockers Mika Reyes ng F2 Logistics at Jaja Santiago ng Foton; setter Kim Fajardo ng F2 Logistics; at libero Jen Reyes ng Petron bilang mga miyembro ng koponan.
Sina Daquis, Gonzaga, Molina at Jen Reyes ay beterano na sa internasyonal na torneo matapos sumabak sa ilang edisyon ng Southeast Asian Games at Asian tournaments habang ang 6-foot-5 na si Santiago at 5-foot-11 Mika Reyes ay nakasama para makatulong sa kampanya ng bansa sa torneyong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.