JULIA bigo pa ring makita ang ama, pero hindi susuko sa paghahanap
‘Hindi na yata matutupad ang birthday wish ko!’
HINDI pa rin pala nakikita ni Julia Montes (Mara Schnittka sa tunay na buhay) ang kanyang tatay na German – kaya mukhang imposible na raw na matupad ang isa sa mga birthday wish niya na ito ang maging last dance niya sa kanyang engrandeng debut party sa March 18.
Ayon kay Julia, siguro raw siya na ang pinakamaligayang debutante kapag nabuo ang pamilya niya, kapag nakasama niya sa mismong kaarawan niya ang kanyang ama.
“Isa po kasi talaga ‘yun sa mga ipinagdarasal ko lagi, ang ma-meet ko na in person ang father ko, that’s my ultimate birthday wish, pero mukhang malabo nang mangyari sa mismong birthday ko, but in the future na lang, sana magkita na kami, in God’s time,” pahayag ni Julia sa birthday presscon na ibinigay sa kanya ng Star Magic.
Sabi pa nga ni Julia sa interview ng The Buzz, “Kasi po maraming sumusuporta sa akin – family, friends, mga taong umalalay sa akin sa showbiz.
Proud sila sa mga nangyayari sa akin. Pero gusto ko ring maging proud iyong dad ko. Masabi lang niya sa akin na ‘I’m so proud of you!’”
E, ano naman ang gusto niyang material na bagay sa kanyang birthday, “Sa material gift naman po, siguro, ‘yung maipagpatayo ko ng dream house ang family ko, kung ano talaga ang gusto nilang bahay, like kung ano ‘yung type nilang room, kung paano nila gustong nakapwesto ‘yung mga gamit, ‘yung ganu’n po.”
At kung wala naman ang tunay na ama ni Julia sa kanyang debut, “Gumawa sila (organizers ng party) ng special section for my father figures kasi sabi ko nga kung wala ang dad ko, marami namang puwede na talagang naging second father ko while growing up.”
May ipinalabas na video during the presscon, makikita roon ang napakaganda at napakaseksing Julia Montes, pero kapansin-pansin na parang playful pa rin ang peg ng kanyang video, “Kasi po, parang lagi nilang sinasabi ang bilis-bilis kong lumaki, nakalimutan na ng mga tao na bata pa rin naman ako, Im just turning 18, kasi nga po, dahil sa mga mature roles na ginawa ko, and du’n sa video, ipinakita doon ‘yung talagang ako, naglalaro pa rin, pero nandu’n na rin ‘yung drive mo para matupad ang iyong dreams and aspirations in life.”
Sa Fernwood Gardens sa Quezon City gaganapin ang debut ni Julia na pupunuin ng blush pink flowers at butterflies, Mid-Summer Nights ang theme ng party.
Tatlong gowns ang isusuot ng aktres na gawa ni Pepsi Herrera.
Pero ang ikatlong gown daw na isusuot ni Julia ay sa mismong party na niya makikita kaya isa raw ito sa mga sorpresa sa kanya.
Ilan sa mga kasama sa 18 Roses ay sina Albie Casino, Arron Villaflor, Robi Domingo, Sam Concepcion, Daniel Padilla, Enrique Gil, Paulo Avelino, Rayver Cruz, Sam Milby, Richard Gomez, John Lloyd Cruz at ang escort niyang si Coco Martin.
Sa 18 Treasures naman, nandiyan sina Kathryn Bernardo, Janice de Belen, Dawn Zulueta, Helen Gamboa at Susan Roces.
May special guest appearance din sina Jed Madela, Christian Bautista, Bugoy Drilon, Nyoy Volante, Daddy’s Home at Richard Poon.
Magsisilbi namang hosts sina Robi Domingo at Matteo Guidicelli.
May special celebration din si Julia sa ASAP 18 ngayong Linggo habang ang The Buzz naman ang magbibigay ng special coverage sa debut ng Kapamilya leading lady para masaksihan ng buong mundo.
Speaking of Coco and his fantasy-action series na Juan dela Cruz, in fairness, talagang pukpukan sila sa ratings game ng isa pang Primetime Bida serye na Ina Kapatid Anak – kaya naman jackpot talaga ang ABS-CBN.
Marami kaming nakakausap na mga magulang na talagang pati sila ay napapatutok na rin sa Juan dela Cruz dahil sa kanilang mga anak.
Sabi nga ng isa naming friendship, “Nakakaaliw kasi si Coco, hindi mo akalain na kaya rin pala niyang mag-comedy na hindi trying hard.
Kaya kapag Juan dela Cruz na, bonding time na rin naming pamilya.”
Bongga, di ba? Ibang level na talaga si Coco! Hindi lang pang-teenager at matrona, pampamilya pa!
Napapanood ang Juan dela Cruz after TV Patrol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.