Jay-R: Wag na kayong magdroga, sisirain kayo niyan!
MARAMING natutunan ang dating Kapamilya singer-actor na si Jay-R Siaboc sa mga naging kaganapan sa buhay niya nitong mga nagdaang linggo, kabilang na riyan ang ginawa niyang “pagsuko” sa mga pulis dahil sa pagkakadawit niya sa isyu ng droga.
Si Jay-R ay ang itinanghal na first runner-up sa unang season ng Pinoy Dream Academy kung saan nanalo si Yeng Constantino. Marami rin siyang nagawang programa sa ABS-CBN noon at nagkaroon pa nga ng mga concert at album.
Sa Rated K last Sunday, nagkuwento si Jay-R tungkol sa paggamit niya ng bawal na gamot. Inamin niyang totoong gumamit siya noon ng shabu pero never daw siyang naging pusher o tulak. Dito rin niya sinabi na dahil sa paggamit ng drugs ay naapektuhan din ang kanyang trabaho.
“Yun nga po ang sinasabi ko na nagkakaroon ako ng mali-maling desisyon. Nangyari pa nga po sa akin, yung ibang shows ko, hindi ko na nababalikan kaya humihingi po ulit ako ng sorry sa mga ganu’n,” ani Jay-R.
Sa huli nagbigay pa ng mensahe ang singer para sa mga kabataan, “Masasabi ko lang sa mga teenagers, mga bata ngayon, huwag na huwag niyo po subukang gumamit. Pagka may nag-alok sa inyo, mga barkada niyo, huwag niyo na po talagang umpisahan kasi totoo pong mahirap tumigil.
“Tsaka marami pong tao na madadamay, lalung-lalo na po yung buhay niyo, talagang sinisira niyo lang talaga pagka subukan niyong gumamit,” aniya pa. May kinakasama ngayon si Jay-R sa Cebu at meron na rin siyang isang anak na sinusuportahan. Aniya, umaasa siya na muling mabigyan ng pagkakataon para makabalik sa showbiz.
Ilan sa mga TV shows na ginawa ni Jay-R noon sa ABS-CBN ay Palos (2008), Komiks Presents: Kapitan Boom (2008), at Agimat series noong 2009 at 2011. Naging hit din noon ang mga kanta niyang “Hiling” at “May Tama Rin Ako”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.