Malalim na pag-unawa sa problema sa Muslim Mindanao | Bandera

Malalim na pag-unawa sa problema sa Muslim Mindanao

Arlyn Dela Cruz |July 12,2016
facebook
share this

Malalim na pag-unawa sa problema sa Muslim Mindanao

Arlyn Dela Cruz - July 12, 2016 - 12:30 AM

SA mga kagyat na nasaling, nagulat o nagalit sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “hindi kriminal ang Abu Sayyaf Group”, ang payo ko ay tingnan ang konteksto at ang pinagmumulan ng pahayag.

Totoong ang ASG ay sangkot sa mga kriminal na gawain. Walang pasubali doon. May pananagutan sila sa kanilang mga ginawa sa nakalipas at sa kasalukuyan. Ngunit para maunawaan ang buong konteksto o pinagmulan ng naging pahayag ni Duterte, kailangang maunawaan ang pinag-ugatan ng grupo; kung paano nagsimula at kung bakit sila nabuo.

Dito pumapasok sa tingin ko ang malalim na pag-unawa ni Duterte sa problema ng kaguluhan at pag-iral ng mga armadong grupo sa Muslim Mindanao na lampas sa basta usapin lamang ng kinagisnang kultura ng pagtangan at pagmamay-ari ng armas.

Iniugnay ni Duterte ang kanyang naging kontrobersyal na pahayag hinggil sa ASG, bilang karugtong ng kanyang pagpapaliwanag sa kung paano niya nakikita ang pakikipagkasundo at pagsusulong ng kapayapaan sa Moro National Liberation Front (MNLF) at sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa madaling salita, kinilala ni Duterte ang kaugnayan sa kasaysayan ng mga grupong ito, kasama na ang pagsulpot ng ASG lalo na sa mga panimulang taon nang pag-iral nito. The president based his statements not on perception or impression but rather to a deeper understanding of the origins and linkages of the various armed groups in Muslim Mindanao.

Alam niya ang kanyang sinasabi. May talino ang mga pangungusap. Taga Mindanao nga si Duterte; anak nga siya ng Mindanao. Pansinin na hindi inililigtas ni Duterte sa pananagutan ang ASG, bagkus ay iniuugnay lamang niya ang pahayag sa konteksto ng kasaysyan, ugat at pinagmulan.

Nang kausapin niya ang mga piling panauhin na kumakatawan sa iba’t ibang sektor sa Muslim Mindanao sa pagtatapos ng Ramadan, sinabi niya na ang bagay na para sa MNLF at bagay na para din sa MILF. Nauunawaan niya ang pagkakapantay-pantay at iisang pinag-ugatan ng pangangailangan ng mga Moro para sa “self-determination and governance”.

Makikita ngayon dito na sa wakas ay may malinaw na pang-unawa sa kung paano magkakaroon ng kapayapaan sa Muslim Mindanao. Sa wakas, isang taga-Mindanao ang maglalapat ng solusyon sa problema sa Mindanao na kapag nasa mabuway na kalagayan, hindi nga ba’t apektado ang buong bansa? Huwag nating kundenahin ang pahayag at tanggapin na basta ganun lamang ito.

Alalahanin natin na siya ay kumakatawan pa rin sa batas, lalong-lalo na ngayon na siya ay pangulo na ng bansa. Pagbigyan natin siya. Inuulit ko, sa tingin ko, alam niya ang kanyang sinasabi at matagal na niyang napag-isipan ang solusyon para sa problema ng seguridad at kahirapan sa Muslim Mindanao.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending