HINDI madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan, ng karahasan, ng pangungutya ang simbahang Katolika. Ito ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 12:1-11; Slm 34; 2 Tim 4:6-8, 17-18) sa dakilang kapistahan ng mga apostol na sina San Pedro’t San Pablo.
Sa kapistahan ng Krus sa Wawa, (muling) pinatunayan na di kayang pabagsakin ang simbahan ng akusasyong “ipokrito.” Sa kabila ng dalawang malalakas na sekta sa Bocaue, na nagpapanggap na kay Kristo, nagbigkis at bumalik ang mga Katoliko sa inang simbahan. Napakalakas din ang pananalig sa Cebu (mula raw siya sa Cebu), tahanan ng Nino Jesus.
Good luck, P-Rody (promdi Rody). Pero, hindi mo kayang solusyonan ang trapik sa MM, lalo pa’t ang bumbilya sa utak ng bata mo ay magtayo ng cable cars. Ha!?! Bagyuhin at habagatin ang bansa at mahangin sa mga CBDs ng Makati, Ortigas, Greenhills at Alabang bunsod ng matataas na gusali. Iindayog at liliparin lang ang cable cars ng bata mo (kung may LPA). Try again.
Rider ka nga. Pero big bike ang kabayo mo. Hindi puwede yan sa MM. Chain drive na 100-125, at hindi scooter, ang puwedeng sumingit sa masikip na trapik sa MM. Yung big bike mo, tangke pa lang ng gas, di na makadaraan sa pagitan ng dalawang taxi. Paano ka liliko ng 45 degrees sa makipot na agwat ng jeepney, na nakausli pa ang bumper?
Hindi ko maunawaan ang malalaking negosyante na nagpulong sa Davao City nang kondenahin ang mabigat na trapik sa MM. Wala rin pala silang solusyon. Kapag trapik, nakaharap sila sa windshield ng kanilang sasakyan. Ang motorsiklo ay walang windshield. Bumabaling paikot ang ulo ng rider. Kaya hindi sila nata-trapik at hindi nila minumura ang Santo Padre. Ah, kaya pala bibigyan ng emergency power si Digong para sa trapik sa MM. Hindi yan ang (best) remedy.
Kung ang mga Binay, naubusan na ng paraan kung paano kakalagin ang tanikalang trapik, si Digong, o mga bata niya, lalabasan kaya? Promdi si Digong (o sila). Para masisid ang malalim na problema ng trapik sa MM, kailangan dito sila lumangoy at di tanawin mula sa dalampasigan ang suliranin.
Basta nasa droga, durugista man o tulak, kailangang lipulin. Eh ano ngayon kung dati silang mga asset ng pulis. Problema ni Bato yan. Pero, bakit walang itinutumba sa showbiz? Talamak ang droga sa showbiz. Bakit walang mayayaman (tulad ng mga batang Alabang) ang niraratrat? Di sila kasama. Kung bakit di sila kasama, problema ni Bato yan.
Malapit nang ihayag ang kilalang politiko na protektor ng droga sa Caloocan. Kilala siya sa lunsod at tanging ang bansa na lang ang di nakakikilala sa kanya. Palaisipan na ang Caloocan na lang ang walang sumusukong durugista at tulak. Bakit nga naman sila lalantad kung meron silang tagapagtanggol at tagapagkanlong?
Hay, sa wakas, wala na sa puwesto si BS Aquino 3. Inumpisahan ko ang pagsusulat sa kapalpakan ni BSA3 sa bobong mando sa Luneta hostage. Di ako nagkamali. Ang iginiit ko, noon, isang bala lang mula sa sniper ang tatapos sa hostage-taker. Iyan (single-shot sniper fire) ang turo ni Angie Reyes (SLN) , noong panahon na personal na tinuruan niya ang mediamen hinggil sa ground assessment nang sila’y pinapatay nang walang laban (DILG sec si Reyes noon).
MULA sa bayan (0916-5401958): CGMA ihawin mo sa Kamara si Dinky Soliman hinggil sa CCT. Gawin mo agad yan paglaya mo. LBB, ng Barangay Laug, Mexico, Pampanga …6766
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.