Kolorumna sasakyan sunugin | Bandera

Kolorumna sasakyan sunugin

Leifbilly Begas - June 22, 2016 - 12:15 AM

HINDI maitatanggi na sa Pilipinas ay hindi lamang ang mga motorista ang pasaway (hindi ko naman sinasabing lahat) pati ang mga pedestrian o mga taong naglalakad/tumatawid sa kalsada, marami sa kanila ay pasaway rin.
Marami sa mga tumatawid sa kalsada ang hindi dumaraan sa pedestrian lane.
Kung minsan ay ilang hakbang na lamang ang layo sa pedestrian lane ay hindi pa rin doon tumatawid. Mas gusto pa na makipagpatintero sa mga sasakyan.
Hindi ko alam, dahil ba ito alam nila na ang motorista ang mananagot kapag nabangga sila kahit na sila ang mali.
Minsan naman hindi mo rin masisisi ang mga tumatawid dahil hinaharangan ng mga motorista ang pedestrian lane.
Nariyan din ang mga tao na hindi gumagamit ng footbridge. Ginastusan ng milyon-milyon ang footbridge pero mas gusto ng ilan na tumawid sa kalsada kahit pa malagay sa alanganin ang kanilang buhay.
Sa Commonwealth Ave., ang killer highway ng Quezon City, merong mga tao na tumatawid habang may tulak-tulak na kariton ng paninda.
Paano nga naman sila gagamit ng footbridge, itutulak nila ang kariton pataas. E kung umatras ang kariton kapag hindi na nila kinaya ang bigat nito, di nagulungan pa sila.
Kailangang magtinda sa harap ng palengke para mauna silang makabenta kesa sa mga nasa loob na nagbabayad ng puwesto.
Ang masakit lang dito, kapag sila ay nabangga, kasalanan pa ng mga sasakyan kahit na alam naman natin na mali ang ginawa nilang pagtawid.
At meron ding mga tricycle driver at rider na nagka-counterflow sa Commonwealth Avenue. Yung mga galing ng Litex Rd., na nagtitipid yata ng gasolina kaya hindi gumamit ng u-turn slot para makapunta sa kalsada sa gilid ng barangay hall.
Paano kaya madidisiplina ang mga taong ito?
Kahit na paano ay alam naman siguro nila na mali ang kanilang ginagawa, pero ginagawa pa rin nila. Kasama ito sa pakikipagsapalaran nila sa buhay.
Ano kaya ang gagawin ng susunod na administrasyon para madisiplina sila?
***
May biro naman si dating Metropolitan Manila Development Authority chairman Bayani Fernando para malutas ang problema sa mga kolorum na sasakyan.
Sunugin daw imbes na pagmultahin.
Biro man ito ni Fernando, ngayon ay kongresista na ng Marikina City kung saan siya naging mayor ng tatlong termino, baka pwede itong seryosohin ng gobyerno.
Kung hindi man sunugin ang mga sasakyan, bakit kaya hindi na lamang ito kumpiskahin ng gobyerno?
Ang mga nahuhuling kolorum ay pinagmumulta lang kaya hindi imposible na bumabalik lamang ang mga ito sa kalsada para mabawi ang ibinayad na multa ng may-ari.
Hindi naman araw-araw ang operasyon laban sa mga kolorum na sasakyan kaya hindi sila araw-araw na mahuhuli.
Ang mga makukumpiskang sasakyan ay ibigay sa mga ahensya ng gobyerno para magkaroon ng service ang kanilang mga ordinaryong empleyado na tiyak na matutuwa dahil mababawasan ang kanilang gastos sa pamasahe, hindi pa sila mangangalay sa paghihintay ng masasakyan.
***
Mukhang marami ang natutuwa sa sunod-sunod na balita kaugnay ng pagkakapaslang sa mga drug pusher.
Wala akong naririnig na umaangal dahil may napatay na drug pusher.
Hindi pa nakakaupo ang administrasyong Duterte ay parang nagsimula na ang pag-ubos sa mga ito.
Alam naman nating lahat na mabigat ang direktiba ni president-elect Rodrigo Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot.
Kung nagagawa ito ng mga pulis ngayon, ibig bang sabihin ay kaya talaga nilang gawin pero hindi lang nila ginagawa noon?
Kailangan pa ba ng isang Duterte para gawin nila ang kanilang trabaho?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending