Lebron James tinupad ang pangakong NBA title para sa Cleveland | Bandera

Lebron James tinupad ang pangakong NBA title para sa Cleveland

Dennis Christian Hilanga - June 20, 2016 - 03:48 PM
ClXHNWYWAAAS0vo NANGAKO si Lebron James dalawang taon na ang nakalilipas na ibibigay sa Cleveland ang unang NBA title sa kanyang muling pagbabalik sa koponan. At isang emosyonal na James nga ang nakitang tumupad sa binitiwang salita. Binitbit ni James, sa tulong rin ni Kyrie Irving ang Cavaliers tungo sa gitgitang 93-89 pagpapatalsik sa nagtatanggol na Golden State Warriors upang hiranging bagong kampeon sa classic game 7 ng 2016 NBA Finals sa Oracle Arena, Oakland California, USA. Nagposte si 13-year veteran James ng 27 points, 11 rebounds at 11 assists habang sumagitsit si all-star guard Kyrie Irving ng 26 markers upang igiya ang Cavs sa una nitong kampeonato at maging kauna-unahang koponan na nag-uwi ng korona matapos makabalik sa 1-3 deficit. Ito rin ang unang professional sports championship title ng Cleveland sa loob ng 52 taon. Mayroon namang pinagsamang 30 puntos ang starters na sina Kevin Love, JR Smith at Tristan Thompson. Nag-average ang 31-anyos na si James, tinanghal na Finals MVP sa ikatlong pagkakataon sa parehong bilang ng titulo (2012, 2013 at 2016) ng 29.7 points, 11.3 rebounds at 8.9 assists sa serye upang maging pangatlong manlalaro na nagtala ng triple-double sa game 7 ng NBA finals kasunod nina legends Jerry West noong 1969 at James Worthy noong 1988. Nagpakawala si Irving ng krusyal na tres sa harap ng mahigpit na depensa ni two-time MVP Stephen Curry sa huling 53 segundo ng laban upang ibigay ang 92-89 bentahe sa rubber match na nagtala ng 11 deadlocks at 20 lead changes. Nagmintis naman si Curry sa sumunod na play ng Warriors, at sa pagbalik ng bola sa Cavs, nasaktan pa si James sa kanyang pag-atake matapos bumagsak sa sahig. Isinalpak ng 12-time NBA All-Star small forward mula Ohio ang isa sa dalawang free throws mula sa foul ni Draymond Green upang ilayo sa two possession game ang iskor, 93-89 may 10.6 segundo pa sa orasan. Mula roon ay hindi na nagawa pang makabuslo ng Golden State upang tuluyan na nga silang gantihan at hubaran ng korona sa sariling homecourt at kumpletuhin ng Cavs ang historic comeback. Matatandaang maagang kinuha ng Warriors, umukit ng makasaysayan at league best 73-9 win-loss record sa regular season ang 3-1 series lead subalit nakatabla ang Cavs nang magwagi sa do-or-die games 5 at 6. Noong nakarang season ay tinapos ng GSW ang serye sa 4-2 sa bahay naman ng katunggali kung saan hindi na nakalaro si Irving para sa Cavs matapos ang game 1 dahil sa tinamong injury. Nanguna si Green sa opensa ng Warriors na may 32 points, 22 mula sa mainit na first half shooting habang nalimitahan lamang sa pinaghalong 31 markers ang splash brothers na sina Curry at Klay Thompson.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending