Warriors supalpal sa Cavs; Do-or-die sa Game 7
ALAM ng Cleveland Cavaliers na kailangan na nilang ibuhos ang lahat ng lakas upang manatiling buhay sa inaasam na NBA crown.
At iyon nga ang kanilang ginawa.
Mula sa impresibong panalo noong game 5 ay pinagpatuloy pa ng Cavs ang mainit na opensiba upang gapiin ang reigining titlist Golden State Warriors, 115-101 sa game 6 ng 2016 NBA Finals sa kanilang homecourt sa Quicken Loans Arena sa Cleveland, Ohio, USA.
Muling kumamada si superstar LeBron James ng 41 puntos mula sa 16/27 shooting clip bukod pa sa 8 rebounds at 11 assists habang si Kyrie Irving ay nagposte ng 23 puntos. Nagdagdag naman sina JR Smith at Tristan Thompson ng pinagsamang 29 puntos upang buhatin ang Cleveland at tuluyang itabla ang serye, 3-3. Noong Game 5 ay nagtala sina James at Irving ng tig-41 puntos.
Naramdaman ng Golden State ang maagang pagkakalagay ni two-time MVP Stephen Curry sa foul trouble at nakamit niya ang ikaanim na foul may 4:22 minuto ang nalalabi sa fourth quarter kung saan naghahabol sila ng 12 puntos. Tumapos si Curry na may 30 puntos samantalang nag-ambag si Klay Thompson ng 25 puntosat may 14 puntos si Leandro Barbosa.
Maagang pinamunuan ni James ang kanyang koponan upang kunin ang 59-43 bentahe sa first half bago nagawang maibaba sa siyam ng Warriors ang kalamangan, 80-71, mula sa layup ni Thompson bago matapos ang third period subalit hindi na hinayaan ng Cavs na makabalik pa ang defending champions.
Matatandaang sinungkit ng Warriors ang una nitong kampeonato matapos ang 40 taon sa home court ng Cavs noong 2015 NBA Finals sa seryeng nagtapos sa 4-2 kung saan hindi na nakapaglaro matapos ang Game 1 si star point guard Kyrie Irving dahil sa tinamong knee injury.
Sa panalong ito ng tropa ni coach Tyronn Lue ay naging pangatlo ang Cavaliers kasunod nang 1951 New York Knicks at 1966 Los Angeles Lakers bilang mga koponan na nakapuwersa ng winner-take-all Game 7 matapos maghabol mula sa 1-3 deficit sa kasaysayan ng NBA Finals.
Kung papalarin, ay posibleng isang kasaysayan na naman ang ukitin ng Cleveland kung saan target nila na maging kauna-unahang team sa pamosong liga na mag-uwi ng titulo mula sa 1-3 hole at magdala rin sa kanilang unang professional sports championship matapos ang 52 taon sapul makopo ng 1964 Cleveland Browns ang National Football League title.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.