Vina kay Cedric: Tapos na ang pananahimik, takot ako sa mga koneksyon niya
Masalimuot ang pinagdadaanan ngayon ni Vina Morales. Sa tagal ng panahon ng kanyang pananahimik ay napuno rin ang salop, sabi nga, kaya kinasuhan na niya ang dati niyang karelasyong si Cedric Lee.
Hindi niya pinalampas ang siyam na araw na pagkuha ni Cedric sa kanilang anak na si Ceana habang nasa bakasyon siya. Hindi diumano ipinakiusap sa kanya ang bata nang siyam na araw.
Ngayon lang nag-angat ng boses si Vina tungkol kay Cedric. Kung matatandaan, nang magkaroon ng problema sa pagitan nito at ni Vhong Navarro ay hindi nagbigay ng anumang komento ang singer-actress, nanatili siyang tahimik.
Maraming reporters ang nagtatanong sa kanya nu’n kung may kapasidad ba si Cedric na gawin ang mga akusasyon ni Vhong, pero walang nakapilit sa kanyang magsalita, napakatahimik lang ni Vina.
Pero iba na kasi ang kuwento kapag mismong kadugo na ang sangkot sa isyu. Lalo na kapag walang kalaban-labang anak na ang pinagtatalunan. Walang nanay na basta mananahimik na lang.
“Nanahimik ako for the longest time, pero hindi ko na kayang magsawalang-kibo ngayon. Takot ako sa mga connections niya, but I have to fight for my daughter,” madiing sabi ni Vina sa mga interview sa kanya.
Nasa piskalya na ang problema nila ngayon, suportado si Vina ng mga dokumento mula sa korte kaugnay ng custody sa bata, malakas ang loob niyang makipaglaban dahil alam niyang tama ang kanyang lugar.
Harinawang magkaayos din sila kahit para man lang sa kapakanan ng kanilang anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.