Gusto kong makita nila kung sino talaga ako, hindi ako fake – Elmo
DIRETSONG inamin ni Elmo Magalona na “in a relationship” pa rin ang status ng kanyang lovelife ngayon. Ibig sabihin, sila pa rin ng kanyang girlfriend na si Janine Gutierrez.
Nasa ABS-CBN na ngayon si Elmo at nasa GMA 7 naman si Janine, kaya maraming kumakalat na tsismis na naghiwalay na raw ang dalawa para mas makapag-concentrate sila sa kani-kanilang career.
Nang tanungin si Elmo sa nakaraang presscon ng Born For You, ang kauna-unahan niyang serye sa Kapamilya network kasama ang bagong ka-loveteam na si Janella Salvador, kung may dyowa siya, nagpakatotoo lang ang binata at sumagot ng oo.
Pero paliwanag ng anak ng yumaong master rapper na si Francis Magalona, naniniwala siya na hindi ito magiging sagabal sa pagiging loveteam nila ni Janella.
“I don’t want people to see me as fake. I want people to see the real me,” sey ni Elmo. Aniya, alam din daw ni Janella ang tungkol kay Janine at wala naman siyang planong ilihim ito.
“First time pa lang kaming nagkakilala eh sinabi ko sa kanya. At sinabi ko sa kanya na there’s nothing to be worried about because on my part ako na mismo ang nag-open up and I did what I had to do. Ako na ang nagsabi talaga,” chika pa ng binata.
Ganu’n din naman daw si Janine sa kabilang network, may bago na rin itong ka-loveteam at para sa kanila, trabaho lang ang lahat, “So kung ano ‘yung nararanasan ko ngayon ay nararanasan din niya. So no conflict at all, we both support each other.”
Para naman kay Janella, kung siya rin daw ang nasa katayuan ni Elmo, ganu’n din daw ang gagawin niya. Sey ng dalaga, matatalino na raw ang mga manonood ngayon, alam na nila kung ano ang totoo at kung ano ang pang-TV o pelikula lang. Mas okay na raw ang nagpapakatotoo kesa ang mabuhay sa pagkukunwari at kasinungalingan.
Samantala, magsisimula na sa darating na June 20 ang Born For You, ito ang papalit sa magtatapos ng The Story Of Us nina Kim Chiu at Xian Lim sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.