Golden State Warriors hindi magre-relax sa Game 3 ng NBA FInals
BAGAMAT napanalunan ng Golden State ang naunang dalawang laro ng 2016 NBA Finals sa tambakan at dominanteng paraan, hindi naman ito nangangahulugan na magre-relax na ang Warriors pagdayo nila sa Cleveland.
Kaya naman hindi komportable ang pakiramdam ng Warriors kahit nakakalamang sila sa kasalukuyan sa kanilang serye.
Batid kasi ng defending champions na puwedeng magbago agad ang serye lalo na’t galing sila sa nakakagulat na pagbangon mula sa 3-1 paghahabol laban sa Oklahoma City Thunder sa Western Conference finals.
At kahit sinasabi na medyo alanganin na ang lagay ng Cleveland sa NBA Finals, hindi naman iniisip ng Warriors na sumakay sa bitag na mapapanalunan na nila ang serye na magpapatuloy ngayon sa Game 3.
“That’s a great analogy, one that we’ve already used,” sabi ni Warriors coach Steve Kerr kahapon. “It doesn’t matter what the scores are, doesn’t matter if you win by 25 or lose by 25, it’s one game in the series. And we got blown out twice in a row in OKC, down 3-1, and we were able to come back. We know we’re playing against a great team. They’re coming home. They can change the momentum around with just one win.”
Kaya naman umaasa ang Cleveland na makakabangon sila pagbalik sa kanilang homecourt.
Hindi pa sigurado kung makakapaglaro para sa Cavs si Kevin Love, na nagtamo sa Game 2 ng concussion, sa Game 3 subalit sila ay may 7-0 karta sa kanilang homecourt sa playoffs kung saan mayroon silang winning average na 20.9 puntos.
“It’s a do-or-die game for us,” sabi ni Cavaliers forward LeBron James. “We can’t afford to go down 3-0 to any team, especially a team that’s 73-9 in the regular season and playing the type of basketball they’re playing.”
At nang malagay ang Warriors sa muntikang pagkakasibak sa kamay ng Thunder, binigyan naman sila ng 3.9 porsiyentong tsansa para mapagwagian ang kanilang serye dahil sa naunang 232 NBA teams na napag-iwanan sa 3-1 sa kanilang best-of-seven series, siyam lamang dito ang nagawang magwagi.
At kung ikukumpara, mas maganda pa rin ang tsansa ng Cleveland.
“We’re not in that bad of shape as they were, 3-1 is worse than 2-0,” sabi ni Cavaliers coach Tyronn Lue. “And they came back and took it one game at a time, like we have to do.”
Sa mga koponang napag-iwanan ng 2-0 sa NBA Finals na nakabangon, nasa 9.7 porsiyento lamang sa mga ito ang nagwagi at tatlo lamang ang nakagawa nito sa 31 pagkakataon. Ang 1969 Boston Celtics, 1977 Portland Trail Blazers at 2006 Miami Heat ay pare-parehong natalo sa naunang dalawang laro ng finals sa road bago napanalunan ang titulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.