Iya Villania hindi maarteng maglihi; Antonio ang ipapangalan sa 1st baby
HINDI maarteng maglihi ang misis ni Drew Arellano na si Iya Villania. Seven months na ang baby na ipinagbubuntis ni Iya pero wala naman daw siyang partikular na pagkain o bagay na pinaglilihian. Ayon sa Kapuso TV host-actress, wala siyang masyadong problema sa kanyang pregnancy, and very thankful siya kay Drew dahil hindi ito nagkukulang ng pag-aalaga sa kanya para masigurong pareho silang healthy ng kanilang first baby.
In fairness, pitong buwan na ang sanggol sa sinapupunan ni Iya pero parang busog lang ang laki ng tiyan nito ngayon. At ang sexy pa rin ng TV host kahit buntis. Aniya, maswerte lang daw siya dahil kahit medyo malakas siyang kumain ay hindi siya gaanong tumataba.
Nang tanungin naman siya ng ilang members ng media na pumunta sa presscon ng Kapuso cooking show na Home Foodie kung saan magkakasama na sila ni Drew bilang hosts, kung may pangalan na silang napili for their first baby, “Antonio ‘yung first name,” tugon ng future mother.
Biglang sumingit si Drew at gulat na nag-dialogue ng, “Hindi ko alam ‘yun ha? Tinanong nila sa akin kanina kung may name na, sabi ko wala pang final. And you…!” Samantala, siguradong maaaliw ang mga manonood at matututo pa ng maraming easy and affordable recipes sa season 2 ng Home Foodie ng GMA.
With Drew and Iya around na parehong makulit at madaldal, sure na sure kami na mag-iiba ang atake ng morning cooking show ng Kapuso network sa pakikipagtulungan ng San Miguel Pure Foods. Naniniwala ang San Miguel Pure Foods na maliban sa pagtangkilik ng mga pagkain sa labas, dapat dalhin ng mga foodie ang kanilang pagkahilig sa pagkain sa kani-kanilang kusina at gumawa ng sariling food experience.
Kaya naman ang Home Foodie ay naghahangad na magbigay inspirasyon sa home cooks na gumawa ng panibagong mga recipe mula sa traditional dishes gamit ang mga produkto ng San Miguel Pure Foods. At sa season 2 nga ng programa, hatid nito ang mga recipe na may “kayang-kayang sarap” —masarap, masustansya at madali—na kahit kitchen newbies ay kayang gawin.
Sa Season 1, si Drew ang itinuturing na perfect host dahil bukod sa isa siyang true blue foodie, meron din siyang magandang karisma sa masa at nakakatuwang personality. Kaya naman, ipagpapatuloy ni Drew na magbigay inspirasyon sa mga manonood at mag-enjoy sa pagluluto sa kanilang mga kusina.
Si Iya naman ang bagong miyembro ng Home Foodie family na magsisilbing inspirasyon ng mga maybahay at nanay na hindi lang maituturing na food lovers kundi foodies na gusto ring matuto ng bagong recipes para sa kanilang pamilya. Kasabay ni Iya, inaasahang mas marami pang kitchen newbies ang mae-engganyo na dagdagan ang kanilang kaalaman sa kusina—from beginner to intermediate cook.
Ayon kay Drew, natutuwa rin siya dahil marami nang alam lutuin ngayon si Iya at siguradong mas marami pa silang matututunan sa Home Foodie pagdating sa pagluluto. Abangan sa Home Foodie ang iba’t ibang cooking adventure nila Drew and Iya kasabay ng kanilang pagbibigay solusyon sa ‘domestic struggles’ pagdating sa paghahanda at pagluluto ng pagkain para sa ating mga mahal sa buhay.
Kumuha rin ng learning tips at techniques sa food preparation kasama ang mga eksperto mula sa San Miguel Pure Foods Culinary Center na pinangungunahan nina chefs Llena Tan-Arcenas, Rene Ruz and RJ Garcia. Mapapanood na ang bagong season ng Home Foodie simula June 13, Lunes hanggang Biyernes, after Unang Hirit sa GMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.