Muling ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang apela ni Sen. Jinggoy Estrada na makapunta sa Senado upang mailigpit ang kanyang mga gamit.
Sa dalawang pahinang desisyon, sinabi ng korte na wala itong nakitang basehan upang baliktarin ang nauna nitong desisyon na huwag payagan si Estrada na makapunta sa kanyang opisina.
Ayon sa korte maaaring utusan ni Estrada ang kanyang mga staff upang ayusin ang kanyang mga gamit at isoli ang mga ari-arian ng Senado na kanyang hiniram.
“All that needs to be done is for accused Estrada to inform his Senate staff what personal properties and documents should be segregated and not turned over to the Senate property custodian,” iginiit sa desisyon.
Kung mayroon umanong kailangang pirmahan si Estrada maaari umano na pirmahan niya ito sa labas ng Senado.
“Any turn-over document that needs to be signed by accused Estrada can be signed by him, outside the premises of Senate,” saad ng desisyon. “The inventory of the official government properties and equipment will clearly guide the separation of accused Estrada’s personal belongings from that of the government. His presence is, therefore, not necessary.”
Magtatapos ang ikalawa at huling termino ni Estrada sa Senado sa Hunyo 30.
Nakakulong si Estrada kaugnay ng natanggap umano niyang kickback sa mga non government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang kanyang pork barrel fund.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.