Biyahe: Stopover sa La Union | Bandera

Biyahe: Stopover sa La Union

Jun Mogol - May 29, 2016 - 12:00 PM

travel

IMBES na ang nakagawian namin na pagsu-swimming tuwing summer ay naisipan namin na mag-road trip papunta sa La Union at iba pang probinsya sa hilagang bahagi ng Luzon.

Bakit sa La Union?  Una ay nais naming mabisita ang aming lola; pangalawa, maraming magagandang beaches, resorts at tanawin doon; at huli, malapit ito sa Baguio City na nais naming isama sa aming itinerary. Dahil sa Bulacan kami nanggaling, naisama na rin sa biyahe ang mga lalawigan ng Pampanga, Tarlac at Pangasinan.

First stop namin ang Hacienda Luisita sa Tarlac kung saan kami nag-agahan. Maraming fast food chains sa Luisita Mall na paborito ng aming mga tsikiting.  Ala-1 ng hapon nang narating namin ang aming unang destinasyon sa araw na iyon—ang Philippine Navy, Poro Point, La Union.

Dito pansamantalang tumitira ang aming lola kasama ang aming tiyuhin na isang opisyal sa Navy at ang kanilang pamilya. Tabing-dagat ang lugar kaya matatagpuan dito ang maraming hanay ng mga resorts. Isa sa mga dinarayo rito ay ang Thunderbird Resorts, na amin ding in-experience nung araw na iyon.

Matatagpuan ang Mediterranean-inspired resort na ito sa Poro Point Freeport Zone, San Fernando City. Meron ditong pool at ilang hakbang lang ay nasa beach ka na. Isa pang atraksyon ay ang gumaganang light house. P1,500 ang entrance per head pero maaring gamitin sa pagkain at inumin ang P700.

Kinabukasan ay umakyat kami ng Baguio para mapagbigyan ang hiling ng aming bunso na makapag-boating sa Burnham Park at para rin matakasan ang sobrang init sa tabing-dagat. Maaga kaming umalis pa-Baguio upang makaiwas sa trapik sa Marcos Highway.

Una na naming pinuntahan ang Burnham Park upang makapag-boating ang mga bata habang hindi pa ganoon katirik ang araw. Matapos silang magsawa, naghanap na kami ng malapit na makakainan.
Pagkatapos mabusog sa masasarap na putahe sa Good Taste, muli kaming nag-ikot ng Baguio at naghanap ng mga mabibiling pampasalubong.

Sa aming ikatlong araw, muli kaming bumaba ng La Union at dinayo ang Bahay na Bato sa Luna, La Union. Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ng mag-asawang sina Dr. Edison at Dra. Purita Noble. Ginawa itong tourist attraction kung saan makikita ang mga obra ng mga eksultor ng probinsya, kabilang ang Korean artist na si Vong Kim.

Sa halagang P20 na entrance fee kada isang tao, maaari mo nang libutin ang buong villa mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. Sa bungad pa lamang ng villa ay mamamangha ka na sa iba’t ibang hugis at kulay ng mga bato na inukit at nilagyan ng disenyo.

May mga batong hugis mukha at may disenyong mukha. May mga batong ginawang kagamitan at pang-dekorasyon. At may mga batong ginaya ang hugis ng iba’t ibang hayop. Sa tabing-dagat ay makikita ang santambak na bato na dinadala ng malalakas na hampas ng alon mula sa ilalim ng karagatan.

Sa sobrang dami nito ay iisipin mong tila may mahika o may magnetismo ang lugar na ito kung kaya’t dito tila nadadala ang halos lahat ng magagandang bato mula sa napakalawak na karagatan. Gayunpaman, sa kabila nito, mahigpit na ipinagbabawal ang kumuha o mag-uwi ng bato bilang souvenir.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa aming huling araw ng pagbiyahe ay dinayo namin ang Isdaan Floating Restaurant sa Tarlac City.
Mga naglalakihang estatwa ng mga Buddha, dinosaurs, at ilang mga kilalang karakter gaya ng mga dating pangulo na sina Joseph Estrada at Cory Aquino at ang US President na si Barack Obama ang isa sa mga atraksyon ng restaurant.

Maaaring libutin ang malawak na lugar na nakalutang sa ibabaw ng fish pond habang hinihintay ang inorder na pagkain. Nalibang din ang mga bata sa pagpapakain sa libo-libong isda sa pond. Maraming pagpipiliang putahe pero dahil marami kami ay ang Bilaong Sari-Saring Piniritong Pagkain o Mama Chit Special, na nagkakahalagang P795, ang ang aming tinikman. Sulit ito sa dami ng pagkain at sa sarap.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending