NANGUNGUNA si La Salle table tennis ace Ian Lariba sa mga kandidato bilang Athlete of the Year sa pagsasara ng UAAP Season 78 ngayon sa Ang Bahay ng Alumni sa University of the Philippines-Diliman campus.
Si Lariba, na nakihati sa pinakamataas na parangal ng liga kasama sina FEU chess player Janelle Mae Frayna at Ateneo swimmer Hannah Dato noong nakaraang season, ay pinamunuan ang Lady Archers sa ikalawang sunod na korona sa table tennis.
Ang magandang atleta mula sa Cagayan de Oro ay nagtala ng kasaysayan para sa bansa matapos na maging kauna-unahang Pinoy table tennis player na nag-qualify sa Olympics.
Si Lariba, na hindi nabigo sa kanyang limang taon na paglalaro sa UAAP, ay nakasungkit ng tiket para makalaro sa Rio Olympics mula sa kanyang pagpapakita ng husay at talento sa ginanap na 2016 ITTF-Asia Olympic Games Qualification Tournament sa Hong Kong.
Ang pagkuwalipika ni Lariba ay kinumpirma mismo ng sulat mula sa International Table Tennis Federation na ipinadala nito sa Philippine Olympic Committee.
Dahil sa pagtulak sa kanyang unibersidad na magwagi muli sa table tennis ay natulungan nito ang La Salle na iuwi muli ang seniors general championship sa ikatlong pagkakataon sa nakalipas na apat na taon.
Ang iba pang kandidato sa Athlete of the Year na kikilalanin sa closing ceremony ganap na alas-5 ng hapon ay sina Karen Janario ng University of Santo Tomas at National University woodpusher IM Paulo Bersamina.
Namuno si Janario para sa Pilipinas sa pag-uwi ng 1 ginto, 1 pilak at 1 tanso sa nakalipas na 11th Southeast Asian Youth Athletics Championships sa Bangkok, Thailand.
Tinalo rin ng Rookie of the Year-Most Valuable Player sa UAAP athletics competition sa paborito niyang 200-meter dash ang mga kalaban mula Vietnam at Thailand. Isa sa mga batang nabiktima ng super typhoon ‘Yolanda’, winalis ng dating miyembro ng Leyte Sports Academy na si Janario ang short distance events sa pag-uwi ng apat na gintong medalya sa apat na event nitong sinalihan upang itulak ang Tigresses sa pagwawagi sa women’s athletics.
Tinulungan naman ni Bersamina ang Bulldogs na putulin ang tatlong dekadang pagkauhaw sa titulo sa men’s chess. Si Bersamina ay lumahok din sa 2016 Asian Juniors (Open-Boys & Girls) Chess Championships sa Shahdara, New Delhi, India at sa 3rd Japfa ASEAN Chess Championship sa Jakarta, Indonesianoong nakaraang taon.
Pararangalan din ng liga ang mga athlete-scholars na hindi lamang nagtagumpay sa sports kundi pati sa academics habang bibigyan ng citation ang mga atleta ng liga na lumahok sa internasyonal na torneo nitong 2015-16 season pati na rin ang mga tinanghal na MVP at Rookie of the Year sa 15 sports.
Ililipat naman ni outgoing Season 78 president Dr. Michael Tan ng UP ang league flag kay Season 79 president Fr. Ermito de Sagun ng UST.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.