JC, Jessy ayaw pang magseryoso sa lovelife
SUCCESS ang tambalang JC de Vera at Jessy Mendiola dahil wagi agad sa ratings game ang kanilang Wansapanataym Presents: Just Got Laki noong Linggo. Nakakuha ito ng 28.5% mas mataas ng halos 10 puntos sa katapat nitong programa sa GMA na nakakuha ng 17.6%, base sa datos ng Kantar Media.
Sabagay, maski naman sa serye nila noong You’re My Home ay marami na ang nakapansing bagay na magka-loveteam sina JC at Jessy at bagay rin daw silang maging magdyowa sa tunay na buhay. Ngunit tulad nga ng laging sagot ng dalawa kapag tinatanong kung nag-level up na ang kanilang relasyon bilang close friends, hindi pa raw sila umaabot sa ganu’ng level.
Pero pareho silang nagsabi na boyfriend at girlfriend material ang isa’t isa. Yun nga lang tila hindi pa nila talaga priority ang magseryoso sa lovelife. Sabi nga ni JC, mas okey yung patagalin muna ang friendship para kung matuloy sa mas mataas na level ang kanilang relasyon mas matatag na ang foundation.
Anyway, sa pagpapatuloy ng kuwento ng kanilang Wansapanataym, matapos maging viral ang ginawang video nina Maki (JC), Jimboy (Nico Manalo), at Paw-paw (Nico Antonio) ay hahanapin sila ni Ysabel (Jessy) upang maging endorser ng kanilang candy shop.
Ngunit isang malaking problema ang haharapin nina Maki dahil ubos na ang magic candy na nagpa-patanda sa kanila. Ano kaya ang gagawin ng magbabarkada upang tumanda at maipagpatuloy ang kanilang pagsikat? Mahanap kaya sila ni Ysabel?
Mabunyag na kaya ang kanilang sikreto? Huwag palampasin ang mga eksenang kapupulutan ng aral sa Wansapanataym Presents: Just Got Laki ngayong Linggo sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.