NAWA’Y magkaisa ang sirkulo ng kapangyarihan. Hindi madaling magkaisa, lalo pa’t kung may nakaambang maitim na ulap at muling pagmumura. Kung walang Diyos, walang pagkakaisa. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 22:30’ 23:6-11; Slm 16:1-2a, 5.7-8, 9-10, 11; Jn 17:20-26) sa ikapitong linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
“Vigilant collaboration” ang alok ng simbahang Katolika kay Rodrigo Duterte, sa kabila ng maraming agam-agam bunsod ng di mapigilang pagmumura nito. Di na ito bago dahil ganito rin ang reaksyon ng simbahan sa pagkapanalo ni Erap kontra Jose de Venecia. Napatalsik si Erap sa puwesto.
May agam-agam din ang dalawang napupusuan na makakabilang sa Gabinete ni Digong.
Di sila ‘sing presintado ng nakaraang mga napipisil na miyembro ng Gabinete. Si Ping de Jesus ay atubiling umupo sa Gabinete ni BS Aquino, ang tamad.
Di pa umiinit sa trono ay sinilaban na ang kanyang puwit, kaya umalis siya para di masunog at maulingan.
Ang ala-1 ng umaga na child curfew na nasa isip ni Duterte ay mali. Meron nang child curfew sa mga bayan at lungsod sa Metro Manila na nagsisimula alas-10 ng gabi. Hindi nga lang ito ipinatutupad. Ang bata ay di dapat gising ng ala-1 ng umaga. Alas-8 ng gabi, dapat nasa higaan na ang mga bata.
Sinuportahan ng Pampanga si Duterte dahil sa pangako nito na agad niyang palalayain si Gloria Arroyo dahil mahina ang mga ebidensiya laban sa ale. Ang pangako ni Jejomar Binay sa Kapampangan ay ilalagay si GMA sa house arrest. Si Digong, laya agad. Kailangang tuparin ni Duterte ang seryosong pangako.
Alam ng botante kung bakit natalo si Mar Roxas. Pero, mas alam nila kung bakit natalo si Grace Poe. Ang tingin nila kay Digong ay hindi ito sinungaling. Ayaw din ng simbahan sa sinungaling. Ang pagsisinungaling ay walang dalang buti kailanman. Tandaan mo yan, Noynoy.
Si Jejomar Binay lang ang nagtalumpati’t nangampanya sa Bagong Silang, Caloocan. Ang apat na kandidato ay di tumuntong sa Bagong Silang. Tulad sila ng mga taxi driver sa SM Fairview, Robinsons at Terraces na di naghahatid ng pasahero sa Bagong Silang, araw man o gabi. Matapang si Binay, sa pinakalamalaking barangay, at pinakapeligroso, sa buong bansa, dahil siya’y nagtalumpati sa sentro ng mga Moro at halang na Kristiyano.
Walang binanggit si Duterte na kanyang gagawin sa Customs. Kung buhay lang si Bubby Dacer, pareho ang aming listahan hinggil sa mga bagong “panginoon” sa Customs. Abril 1 pa lang ay alam na ng matatandang tinali sa Customs kung sinu-sino ang darating na mga bagong “kanegosyo.”
Nakalulunos ang sinapit ni Recom Echiverri nang ilampaso siya ni Oca Malapitan sa Caloocan. Di kapanipaniwala pero kapanipaniwala, naman. Lahat ng nasa tiket ni Malapitan ay ibinoto ng taumbayan, bagaman iniutos ng Iglesia Ni Cristo sa mga kaanib na iboto si Echiverri bilang nagbabalik na alkalde. Anyari?
Nakahinga nang maluwag ang mga Bulakenyo nang matalo si Ipe Salvador. Bago pa man tuluyang matalo ay nagpasya na ang husgado na di siya residente ng Marilao. Dahil sa marami na ang “dayo” sa lalawigan, natakot ang mga Bulakenyo na baka manalo si Ipe. Napakataas ng hinangad niyang puwesto, na dapat ay para sa Bulakenyo.
MULA sa Bayan (0916-5401958): Di man lang pinigilan ng ABS-CBN ang pagpapalabas ng ad kontra Digong. Pera-pera talaga yan. …9703
Dito sa Panabo, ang ibinoto namin ay si Duterte. Paglabas ng resibo, Roxas. Put***I! …7826
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.