Lumabas sa kani-kanilang kulungan kahapon ang mga pulitiko na nahaharap sa mga kaso upang bumoto.
Si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo ay pumunta sa kanyang presinto sa Lubao Central Elementary School sa Pampanga upang bumoto.
Kasamang bumoto ni Arroyo ang kanyang mister na si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.
Si Arroyo ay nahaharap sa kasong plunder, isang non bailable offense, kaugnay ng maanomalya umanong paggamit ng confidential and intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Siya ay nakakulong sa Veterans Memorial Medical Center.
Bumoto naman sa Xavier School sa San Juan si Sen. Jinggoy Estrada matapos siyang payagang lumabas ng Sandiganbayan Fifth Division.
Tumagal lamang ng 12 minuto ang pagboto ni Estrada na kampante na mananalo ang kanyang anak na si Janella Ejercito na tumatakbo sa pagkabise alkalde.
Alas-6 ng umaga naman umalis si Sen. Ramon Bong Revilla Jr., sa Philippine National Police Custodial Center at pumunta sa Bacoor Cavite upang bumoto.
Tumatakbong mayor ang kanyang misis na si Rep. Lani Revilla at ang kanyang anak na si Jolo bilang bise gubernador ng lalawigan.
Si Revilla at Estrada ay kapwa nahaharap sa kasong plunder matapos umanong tumanggap ng kick back mula sa non-government organization ni Janet Lim Napoles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.