SA harap ng mga agam-agam tungkol sa posibleng dayaan sa eleksiyon bukas, nagbigay ng pahayag si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista kung saan siniguro niya na ang halalan na gaganapin sa ilalim ng kanyang pamumuno ang siyang magiging pinakamalinis na pampolitikang pagkilos ng pagkilos ng mahigit 50 milyong botante.
Tiniyak ni Bautista na magiging katanggap-tanggap ang magiging resulta ng eleksyon sa mga panayam sa telebisyon sa harap naman ng mga pangamba na imamanipula ng administrasyon ang resulta ng halalan para paboran ang mga kandidato nito na sina dating Interior Secretary Mar Roxas at Rep. Leni Robredo.
Dapat siguruhin ni Bautista na matutupad ang kanyang binitawang salita dahil hindi lamang ang 50 milyong botante ang umaasa sa kasagraduhan ng kanyang pangako, kundi ang higit 100 milyong Pilipino.
Patunayan dapat ni Bautista, sampu ng kanyang mga kasamahan sa Comelec na hindi totoo na naka-program na ang mga vote counting machines o VCM sa mga kandidatong gustong manalo ni Pangulong Aquino sa pagkapangulo at pagka-pangalawang pangulo na sina Roxas at Robredo.
May mga text brigade pang pinakalat kaugnay ng pagiging pangalawa na ni Roxas sa survey para makondisyon ang publiko na tumataas nga ang kanyang rating.
Kalat din ang mga balita na sa huli sina Roxas at Robredo ang mananalo at hinding-hindi papayagan ni Aquino na iba ang manalo.
Dapat patunayan ni Bautista na hindi totoo ang mga nakukuhang impormasyon ng mga mamamahayag na nadidiktahan siya ng Malacañang.
Sa mga iba pang opisyal ng Comelec, patunayan ninyong tunay kayong malinis aat mapagkakatiwalaang opisyal.
Hindi dapat hayaan ng Comelec na manaig ang dikta ni Aquino na takot na makulong pagkatapos ng Hunyo 30.
Ang kagustuhan ng pinakamalaking bilang ng mga botante ang nararapat na manaig at ideklarang panalo sa malinis na eleksiyon.
Kung sina Grace Poe at Bongbong Marcos ang gusto ng nakararami, dapat respetuhin ito ng Comelec at maging ni PNoy.
Hindi maiiwasang ngayon pa lamang ay may duda na sa resulta ng halalan dahil sa mga reklamo ng ating mga kababayan na bumoto sa ibang bansa sa ilalim ng Overseas Absentee Voting (OAV) kung saan iba umano ang binilang na kandidato sa kanilang ibinoto.
Inaasahan din ang pag-alma at pagkilos ng taumbayan sakaling matupad ang pinangangambahang malawakang dayaan ngayong eleksiyon.
Nararapat lamang na magpasya at kumilos ang mamamayan alinsunod sa itinakda ng Saligang-Batas.
Ayon sa Saligang-Batas, ligal ang pagpasya, pagkilos, at pag-aaklas ng mamamayan kung sa tingin nito ay nandadaya na ang pamahalaan laban sa mamamayan.
Dapat lamang na kumilos ang mamamayan laban sa maitim na balak ng pamahalaan na ipanalo sina Roxas at Robredo.
Dapat magkaisa ang mga Pinoy para siguruhing malinis at mapayapa ang eleksyon bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.