Pagtanggap ni Duterte ng ari-arian kay Pastor Quiboloy kinuwestyon
Kinuwestyon ng presidential candidate na si Mar Roxas ang pagtanggap ng dalawang sports car at mga lupa ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte mula kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.
Sinabi ni Roxas na malinaw sa batas na bawal tumanggap ng anumang regalo ang isang public servant.
“Alam niyo po, malinaw na malinaw ang batas. Unang una po, labag po na tumanggap sa kahit anong regalo mula sa kahit sino ang mga lingkod-bayan,” ani Roxas. “Pangalawa po, bakit hindi ito nakasama sa iyong SALN, kung wala ka namang tinatago, diba?”
Ayon kay Roxas malinaw na nakasaad sa batas na kahit na ang mga bili, regalo, mana, at utang ay dapat na inilalagay sa Statement of Assets Liabilities and Networth.
Sinabi ni Duterte na noong siya ay mayor, binili siya ni Quiboloy ng tatlong ari-arian sa Ma’a.
“Binigay na ang bahay sa Woodridge. Hindi ko nga tinanggap eh. And it’s there. Puntahan niyo ang Woodridge, sino ang bumili? It’s Pastor who paid.”
Binigyan din umano siya ni Quiboloy ng Nissan Safari at Ford Expedition pero isinoli niya. “Binalik ko. Tapos ito si Inday (Sara) nagwala kasi gusto niya. Eh saan ka magkuha ng pang-gasolina? Para kang buang diyan.”
Ipinahihiram din ni Quiboloy ang kanyang private jet kay Duterte na gagamitin din umano niya kapag manalo para sa Davao pa rin siya uuwi.
Sinabi ni Roxas na ang eleksyon ay tungkol sa tiwala ng publiko sa kandidato at hindi umano maganda na mayroon siyang itinatago gaya ng kanyang bank accounts na, ayon kay Sen. Antonio Trillanes ay naglaman ng multi-milyong piso.
“Eh bakit itinatago ito? Parang napakahirap na malaman ang buong katotohanan sa iyong kayamanan mayor Duterte. Nagsinungaling ka,” dagdag pa ni Roxas. “Yan ang nilalaman ng batas. Ang problema sayo Mayor Duterte, abugado ka pa naman. Ang batas ay convenience sayo. Kung hindi kombinyente sayo, lalabagin mo ang batas, lalapastanganin mo ang batas, papatay ka ng tao…”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.