Mommy Dionisia: Naniniwala ako na titigil na talaga si Manny sa boksing!
MAIPANALO na nga kaya ng Pambansang Kamao ang kanyang laban sa Senado ngayong pinatimbuwang na niya nang dalawang beses sa ring si Timothy Bradley?
Tapos na rin ba ang laban sa pagka-senador ni Congressman Manny Pacquiao dahil ipinanalo niya ang laban na hinaharang-kinokontra nu’n ng ibang nag-iingay na pulitiko?
Agad na umuwi ng bansa si Pacman para harapin ang kanyang kampanya, kailangan na niyang mag-ikot, dahil kung hindi ay baka makalimutan ng ating mga kababayan na isulat ang pangalan niya sa balota.
Ibang klase pa rin si Pacman, hindi pa rin kinalawang ang magkabila niyang braso sa pagsuntok, di hamak na mas bata at magilas si Bradley kesa sa kanya pero nagawa niyang pasirkuhin ang boksingero sa lona.
Kung sana’y ngayon na ang eleksiyon, siguradong may linaw na ang kandidatura at pananalo ng Pambansang Kamao, kailangan niyang ikutin ang buong bansa habang preskong-presko pa ang kanyang tagumpay sa pagsusukatan nila ng lakas ni Bradley.
Madiing sinabi ni Pacman na ito na ang huli niyang laban, gusto na raw niyang bigyan nang sapat na panahon ang kanyang pamilya, pati ang pagtulong sa mga nangangailangan nating kababayan.
Panalo si Mommy Dionisia, ito ang matagal nang sigaw ng dakilang ina ng Pambansang Kamao, ang tumigil na sa pagboboksing ang kanyang anak.
Sa isang interbyu ay sinabi ni Mommy Dionisia, “Totoo. Hihinto na siya. Sabi niya sa akin kanina, ‘Mama, ito na ang hinihintay nimo. Last fight ko na ito.’ Kaya naniniwala ako, titigil na talaga si Manny sa buksing!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.