Rio Olympics slot tatangkaing iuwi ng 4 PH boxers
APAT na kalalakihan ang magtatangka na agad iuwi ang silya sa Rio de Janeiro Olympics habang napatalsik ang tanging babaeng lahok ng Pilipinas na si Nesthy Petecio sa ginaganap na 2016 AOB Asia/Oceania Olympic Qualifying event sa Tangshan Jiujiang Sports Center sa Qian’an, China.
Nakatakdang sumagupa ngayon para sa isang silya sa kampeonato at awtomatikong upuan sa 2016 Rio Summer Olympic Games sina Rogen Ladon sa light flyweight, bantamweight Mario Fernandez, lightweight Charly Suarez at Eumir Felix Marcial sa welterweight.
Sasagupain ng No. 1 seed at bronze medalist sa 2015 Doha World Championships na si Ladon sa semifinals ng 46-49 kg kategorya si Devendro Singh Laishram ng India habang makakatapat ng back-to-back Southeast Asian Games gold medalist na si Fernandez sa 56kg dibisyon ang karibal mula sa Thailand na si Chatchai Butdee.
Haharapin ng Incheon Asian Games silver medalist sa 60kg na si Suarez ang seeded No. 3 na si Jun Shan ng China habang ang dating world junior gold medalist at umakyat na sa 69kg bilang No. 1 seed na si Marcial ay huling sasagupa kontra kay Shakhram Giyasov ng Uzbekistan.
Ang tatlong mangungunang boksingero sa men’s division at top two sa women’s class ang sasampa sa Summer Olympiad sa Rio de Janeiro na gaganapin ngayong Agosto. Agad magkukuwalipika ang tutungo sa kampeonato sa kalalakihan habang magkakaroon ng boxoff para naman sa mag-uuwi ng tansong medalya.
Huling tinalo ni Suarez ang nakasagupa na si Dheeraj ng India, 3-0, matapos makumbinsi ang mga hurado mula Cuba at Morocco na umiskor ng 30-27 at ang Russia sa 29-28.
Binigo naman ni Ladon sa mas kumbinsidong iskor na 3-0 ang nakasagupa na si Hasan Ali Shakir Al-Kaabi ng Iraq matapos itala ang pare-parehas na iskor na 30-25 puntos mula sa mga hurado sa Morocco, Italy at Great Britain.
Dinomina rin ni Marcial ang nakasagupa na si Sajjad Kazemzadehposhtiri ng Iran, 3-0, sa pagtatala ng 30-27 iskor mula sa hurado ng Sri Lanka at parehas na 29-27 mula sa Finland at Belarus.
Tinalo naman ni Fernandez, 3-0, ang taga-Jordan na si Mohammad Alwadi mula sa parehas na iskor ng mga hurado sa Ukraine at Taipei na 30-27 at Kazakhstan na 29-28.
Hindi nalusutan ni Petecio sa women’s flyweight (48-51kg) ang five-time champion na si Mery Kom Hmangte ng India matapos lumasap ng 0-3 kabiguan. Umiskor ang mga hurado ng 37-39 kontra kay Petecio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.