Ilang dekada nang naninirahan sa Barcelona, Spain si Tina Paner.
Nagdesisyon siyang iwanan ang maganda niyang career sa Pilipinas para du’n na manirahan at magtrabaho.
Du’n na rin siya nakapag-asawa, nagkaroon siya ng isang anak, pero nagkahiwalay rin sila ng ama nito.
Mula noon ay mag-isa na lang siyang namumuhay.
Nu’ng isang araw lang ay naging sentro ng mga kuwentuhan kahit saan ang balitang kumalat na diumano’y inirereklamo si Tina ng mga Pinoy sa Spain dahil sa pagbebenta ng mga pekeng plane tickets.
Si Tina Paner ang itinuturo ng mga nagrereklamo, palibhasa’y siya ang kilala sa naturang ahensiya, pero wala pang anumang komentong binibitiwan ang dating teenstar tungkol sa isyung kinasasangkutan niya.
May mga nagsasabing nandito na si Tina Paner, tinakasan daw niya ang problema sa Spain, pero wala pa namang kumukumpirma na nandito na nga siya.Dumaan agad sa paghusga ang singer-actress, kung anu-anong bersiyon agad ng kuwento ang naglabasan, pero mas makagaganda siguro kung hihintayin na lang natin ang paliwanag ni Tina tungkol sa isyu.
Ayon kay tita Daisy Romualdez ay darating din si Tina isang araw, magpapaliwanag siya, kaya pakiusap ng kanyang pamilya ay huwag muna sana siyang husgahan.
Isang source ang nagdepensa kay Tina Paner sa pagsasabi na hindi siya ang dapat madiin sa isyu, nagtatrabaho lang daw naman ang dating teenstar sa nasabing ahensiya, kaya ang may pananagutan du’n ay ang may-ari at hindi siya na empleyado lamang.
Kung anuman ang totoo tungkol sa kuwentong ito ay hindi pa natin alam, isang panig pa lang ang ating naririnig, mas malilinawan tayo kung ang mismong taong sangkot na sa problema ang maririnig-mapapanood nating nagbibigay naman ng kanyang panig.
Hintayin natin ang paglutang ni Tina Paner.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.