Concert ni Alden sa Canada tagumpay, bashers supalpal na naman
Tagumpay ang concert ni Alden Richards sa Winnipeg, Canada. Walang maitatagong kuwento sa amin dahil mula pa lang sa pagdating niya sa Winnipeg kasama sina Rocco Nacino at Kim Idol ay ang mga anak-anakan na naming sina Rey-Ar Reyes, Neil Soliven at Issi Bartolome na ang nag-asikaso sa kanila.
Ayon kay Rey-Ar ay sobrang successful ang show, sorry na lang daw sa mga bashers ni Alden, dahil hindi sila nagtagumpay. Punumpuno ang venue at umuwing masasaya ang mga Pinoy na sobrang pinakilig ng Pambansang Bae.
“Since sa kalyeserye talaga sumikat si Alden katambal si Yaya Dub, nagbuo rin kami ng version ng mga lola dito. Mga Pinoy na kasamahan namin ang naging Lola Nidora, Lola Tinidora at Lola Tidora.
“Grabe, riot ‘yun! Mabait si Alden, hindi siya nagdamot sa mga fans niya dito, very generous siya sa photo opportunity at marespeto siya,” papuri pa ni Rey-Ar Reyes na VP/Creative Director at editorial consultant ng Pilipino Express News Magazine sa Manitoba.
Napakalaki ng populasyon ng mga Pinoy sa Winnipeg, kahit saang lugar ka magpunta du’n ay napakaraming Pinoy, kaya basta may concert ang mga Pilipino entertainers ay hindi nilalampasan ng mga prodyuser ang Winnipeg.
Nu’ng nakaraang Disyembre pa ay soldout na ang tickets para sa concert ni Alden, meron na rin silang grupo ng mga tagahanga ni Maine Mendoza sa Winnipeg, kaya tuwang-tuwa ang mga Pinoy sa pagdalaw ni Alden sa pinakamalamig na probinsiya sa Canada.
Pagkatapos ng kanyang concert sa Winnipeg ay tumuloy naman ang tropa sa Alberta, sa Vancouver (British Columbia) ang huling concert, na siguradong naging matagumpay rin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.