NOONG tumakbo si Erap laban kay Joe (de Venecia), di pa alam ng taumbayan ang lasingan sa Malacanang gabi-gabi, kung minsan ay bago lumubog ang araw ay may panimulang tungga muna, na pampainit, na ayon
kay Lacquian, ay siya ang tagahatid sa bahay ng mga senglot at sumusuray sa haplit ng alak.
Di pa alam ng taumbayan ang milyones na pera na regular ang pasok, pera na amoy jueteng at, ayon mismo kay Erap, ay di naman ninakaw sa taumbayan.
Di pa alam ng taumbayan na magpaparamdam ang kapwa artista ni Erap sa “mayayamang” ahensiya ng gobyerno para “maghanapbuhay.”
Di pa alam ng taumbayan na ang unang biktima ng planadong aksyon na ala-Hyatt 10 ay si Erap mismo.
Isa-isang nagbitiw sa puwesto ang ilang miyembro ng Gabinete, isa na riyan si Mar, nang lumilinaw tumanggap (at humihingi pa?) ng milyones mula sa jueteng si Erap.
Di pa alam ng taumbayan, na bagaman kinumpare ni Erap ang mga heneral sa Armed Forces at bata mismo niya ang hepe ng National Police, ay madali siyang tatalikuran at pabagsakin sa puwesto nang mas lalong luminaw ang napakalaking katiwalian at pandarambong, na siya namang ikinarga bilang kaso sa kanya sa Sandiganbayan (at napatunayang nagkasala nang walang kagatul-gatol).
Di pa alam ng taumbayan na nang “makulong” (ang sumisigaw na halimbawa ng VIP treatment) si Erap ay di naman nag-alsa ang milyun-milyong bumoto sa kanya (tulad ng panawagan ni Trillanes sa martsa sa Makati ave., na sumama na sa kanyang pag-aalsa ang milyones na bumoto sa kanya).
Siyempre, di pa alam, dahil di pa nagaganap ang mga pangyayaring matagal nang inaasahan ng mga bumatiko sa kanya sa kampanya.
Ngayong alam na ng taumbayan, dapuan kaya ng sakit sa limot ang mga botante pagsapit ng Mayo 2010? O may magreklamo kaya para kontrahin ang kanyang kuwalipikasyon sa pagtakbo, tulad ng alam ng kampanteng Malacanang, na, ayon sa pahayag, ay di sila nababahala sa muling pagtakbo ni Erap?
Sakaling panigan ng korte si Erap sa kanyang pagtakbo, ano ang susunod na script ni Executive Secretary Eduardo Ermita?
Sa kanyang talumpati sa Tondo, ikinaila niya ang pagtanggap ng milyones mula sa jueteng, ang paglustay ng milyones mula sa buwis sa tabako at ang paglilingkod bilang pangulo sa gitna ng tagayan at pulutan.
Higit na binanatan ni Erap ang mga “elitista,” na nakipagsabwatan daw para mapabagsak siya sa puwesto (sa labis na pagdadalamhati nang palayasin sa Malacanang ang ngumalngal ang pinaka-machong aktor).
At dahil sa binitiwang salita ni Erap sa mga elitista, kikilos na ba ang mga ito para gumawa ng paraan para matalo si Erap (dahil naroon ang banta ng resbak kapag nanalo)?
BANDERA Editorial, 102709
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.