Wenn Deramas planong gawing ‘Darna’ si Vice Ganda
PLANO sanang gumawa ng “Darna” movie ni Wenn Deramas na pagbibidahan ni Vice Ganda.
Sa interview ng Tonight With Boy Abunda kagabi, ibinalita ni Vice na palagi siyang kinukulit ni direk Wenn na gawin na nila ang nasabing proyekto.
“May mga plano kami na gawing pelikula na superhero, superhero. Gusto niya akong gawing Darna, sabi niya dapat mag-Darna ka. Laging next project niya Darna, pero hindi namin magawa kasi may magda-Darna. Kailangan mag-Darna muna ang totoong Darna bago matuloy ang plano namin,” ayon sa TV host-comedian.
Sa pagbabahagi naman ni Vice ng kanyang mga hindi malilimutang experience kasama si direk Wenn sa burol nito kagabi sa Arlington Memorial Chapels, sa Araneta Avenue, Q.C., sinabi nitong nanghihinayang siya na hindi na ito magagawa ni direk Wenn.
“Paano na yung pangarap naming gumawa ng Darna na si Ding? Bading pala si Ding. Ayun ang pangarap namin, ‘Kailangang makagawa ka ng Darna.’
“Darna na si Ding. Paano na iyon? Hindi ko alam,” pahayag pa ng Unkabogable Star.
Samantala, natanong naman ni Boy Abunda sa TWBA si Vice kung ano na ba ang level ng pagkakaibigan nila ng yumaong direktor, sagot nito, “We have reached that certain level of love and certain level of closeness na binigyan niya ako ng napakalawak na creative freedom kaya kami nagki-click.
“Kasi hinahayaan niya ako mag-isip, hinahayaan niya akong gumalaw habang siya nagiisip din. Tapos pinagsasama namin lahat ng naiisip namin at gusto naming igalaw. Dumating kami sa level na ay, ‘direk hindi ko bet yan.’ Siya rin, ‘ay hindi ako natatawa diyan.’ Binabang-bang namin ang isa’t isa,” aniya pa.
Naikuwento rin ni Vice na may isang taong nag-abot sa kanya sa burol ng certificate of recognition para kay direk Wenn. “May inabot siya na ano, parang certificate, parang certificate of recognition, ‘kasi hindi ko na ito maibibigay kay Direk Wenn.’
“Si Direk Wenn ay merong tinulungan na dalawang bata na may sakit sa puso, inisponsoran niya ng pagpapaayos ng puso na ngayon yung dalawang batang yun e okay na okay na. Recently lang daw yun at ayaw daw ipasabi ni Direk na meron siyan tinulunagan na mga bata.”
What does Vice think Direk Wenn’s biggest achievement was? “Ang pinakamalaking achievement niya he was able to provide for his family…For me that is Direk Wenn’s biggest achievement, being the best son that he could have been, being the best father that he could be, being the best brother to his siblings.”
Para sa huling mensahe ni Vice, “Ngayon lalo akong pinatatag nitong pangyayaring ito kasi mag-isa na lang ako wala na akong Wenn. Pero ngayon ko patutunayan sa kanya na meron talaga akong natutunan sa kanya at yun yung gagamitin ko ngayon sa pag-iisa ko.
“Kaya hindi rin ako kawawa kasi bago siya nawala marami naman siyang tinuro sa akin. At kahit di ko siya nakikita, nakikita niya ako, at kahit sa sarili niyang punto palakpakan niya pa rin ako,” sabi pa ni Vice sa interview ng TWBA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.